Filtered By: Showbiz
Showbiz

WATCH: 'Blind Item Queen' Shalala at Kuya Germs, isang taon na hindi nag-usap


Nagsimulang makilala ng publiko at sumikat ang komedyante at TV-radio host na si Shalala nang kunin siyang co-host ni German "Kuya Germs" Moreno sa late night variety show na “Walang Tulugan with the Master Showman.”
 
Simula noon, sinabi ni Shalala sa panayam ni Rhea Santos sa programang Tunay Na Buhay, na dumami na ang mga imbitasyon at "raket" [trabaho] niya. Kabilang na dito ang pagkakasalang nila ni Kuya Germs sa sikat na games portion ng Eat Bulaga na "Pinoy Henyo."
 
Ang naturang guesting nila sa Pinoy Henyo ang isa sa mga episode na may pinakamataas na ratings umano ng programa dahil walang tigil nilang pagtatalo ni Kuya Germs, ayon pa rin kay Shalala.
 
Sunod-sunod rin ang mga oportunidad na dumating sa komedyante, kabilang na ang showbiz talkshow na Tweetbiz: The Bizniz of Chizmiz noong 2010, at ilang pelikula ni Vic Sotto, kagaya ng Ang Darling kong Aswang noong 2009, Si Agimat at si Enteng Kabisote noong 2010, at My House Husband: Ikaw Na! noong 2011.
 
Lumabas din siya sa mga indie films at tuluyang nagkaroon ng pelikula na siya ang bida na pinamagatang Echoserang Frog.
 
Gayunpaman, apat na taon na ang nakararaan, napagdesisyunan ng komedyante at TV host na lumipat ng istasyon, na siya naging dahilan na pagkakaroon ng lamat sa relasyon nila ni Kuya Germs. 
 
Kuwento ni Shalala, “Pinakiusapan ako ni Noel, 'gusto kang i-try sa Juicy.' Sabi ko, sige. Nagustuhan nila hanggang sa sabi nila, 'baka pwede ka naming ano.' Doon ako nagpaalam kay Kuya Germs. Nung sinabi ko kay Kuya Germs [sabi niya], 'yung ibang tao pa nakakaalam, ako pa huli.' Tapos simula nung lumipat ako, hindi na kami nag-uusap.”
 
Umabot umano ng may isang taon na hindi siya kinausap ni Kuya Germs sa kabila ng pagsisikap niya at ilang kaibigan na maging tulay para magkasundo sila ng Master Showman.
 
Pero nang humupa na ang tampo ni Kuya Germs, nagkasundo na muli sila ni Shalala.
 
“Kapag mayroong pangyayaring ganun, kung minsan nandoon yung tampo mo, pero later on ako, sabi nga, may pusong mamon, kahit anong nagawa sa akin eh nagagawa ko pa ring kalimutan,” ani Kuya Germs.
 
Ngayon, kinikilala si Shalala bilang "Reyna ng Blind Item" dahil sa nakatutuwang pagpe-presenta niya ng blind items o mga tsismis na hindi lubos na tinutukoy ang paksa ng kaniyang kwento. -- BRDabu/FRJ, GMA News

Tags: tunaynabahay