Filtered By: Showbiz
Showbiz
Ina ni Cherry Pie Picache, pinaslang sa loob ng bahay sa Quezon City
Natagpuan na walang buhay at may saksak sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Paligsahan sa Quezon City ang ina ng aktres na si Cherry Pie Picache nitong Biyernes.
Ayon kay dzBB radio correspondent James Agustin, pagnanakaw ang tinitingnan anggulo ng mga awtoridad sa pagpatay kay Gng. Zenaida Sison, 75-anyos.
Base sa impormasyon ng kaibigan ni Cherry Pie na si Peter Serrano, tinawagan umano ng aktres sa telepono ang ina nito para kamustahin pero hindi sumasagot.
FLASH: Ina ng actress na si Cherry Pie Picache, natagpuang patay sa QC. | via @_jamesagustin
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 19, 2014
Dahil dito, sinadya ni Cherry Pie kasama ang drayber ang bahay ng ina dakong 6:00 p.m.
Ayon sa kapatid ni Cherry Pie na si Erwin Herrera, bukas ang pinto ng bahay nang madiskubre ang mga labi ng ina.
Noong nakaraang Miyerkules, sinabi ni Serrano na binisita ni Cherry Pie ang ina at binilinan na laging isara ang pinto dahil mag-isa lamang itong nakatira sa bahay.
Nanawagan si Herrera sa sinuman na makapagbibigay ng impormasyon upang mahuli ang salarin.
Sa ulat ng late night news Saksi, sinabi ni Serrano na ang drayber ang nadiskubre sa bangkay ng biktima matapos na utusan ni Cherry Pie na pumasok sa loob.
Samantala, tumanggi na muna ang aktres na magbigay ng pahayag at nakiusap na bigyan na muna sila ng privacy dahil sa nangyaring trahedya. -- FRJimenez, GMA News
More Videos
Most Popular