Filtered By: Showbiz
Showbiz

Leni Santos, balik-Pilipinas at sa tambalan nila ni Rey PJ Abellana


Balik-Pilipinas at pag-arte ang 80's actress na si Leni Santos para mabuong muli ang love team nila ni Rey PJ Abellana. Ito ay para sa bagong Kapuso soap na pagbibidahan nina Elmo Magalona at Janine Gutierrez.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing proud father si Rey PJ para sa anak nito na si Carla Abellana na maganda ang itinatakbo ng showbiz career.

Pag-amin ni Rey PJ nang makausap sa story conference ng bagong GMA soap na More Than Words, noong una ay tila ayaw umano ni Carla na mag-artista o pumasok ng showbiz.

Pero ngayon, isa na sa sikat na leading ladies ng GMA Network si Carla.



Magiging busy ngayon si Rey PJ sa soap na More Than Words kung saan makakasama niyang muli ang dating ka-love team noong 80's na si Leni.

Sumikat nang husto ang kanilang tambalan sa hit soap noon ng GMA na Anna Liza.

Pero matapos ang showbiz, nanirahan sa Amerika si Leni at bumuo doon ng kaniyang pamilya.

Kaya naman masaya si Leni na mabubuo muli ang tambalan nila ni Rey PJ sa pagbabalik niya sa bansa at sa pag-arte.

"Natutuwa talaga ko dahil heto na naman kami ni PJ, magkasama na naman," ani Leni.

Dugtong naman ni Rey PJ, "Thank you Leni Santos at pinagbigyan mo ang production na 'to at kaming lahat na makapagsama tayo uli."

Makakasama rin nina Rey PJ, Leni, Elmo, at Janine sa More Than Words ang batikang aktres na si Jaclyn Jose.

"Excited po ako na marami na naman kaming mapapasayang mga dati na naming followers ng Leni-PJ na mapapanood na nila kami uli, malapit na, dito uli sa GMA," ayon kay Rey PJ. -- FRJ, GMA News