'Sa Puso Ni Dok,' kukurot sa kamalayan tungkol sa sitwasyon ng mga pampublikong pagamutan sa bansa
Mula sa mga nagmarkang programang "Bayan Ko," "Titser," at "Katipunan," isa na namang makabuluhang programa ang ihahandog ng GMA News and Public Affairs sa mga manonood --ang kauna-unahang medical drama series sa Philippine television, ang "Sa Puso Ni Dok."
Sa naturang bagong serye na pagbibidahan nina Dennis Trillo at Bela Padilla, tatalakayin ang tunay na sitwasyon ng mga pampublikong pagamutan sa bansa na direktang may kaugnayan sa kalusugan at kaligtasan ng mga tao.
Kung sundalo ang papel ni Dennis sa isa pa niyang proyekto para sa primetime series na "Hiram Na Alaala," duktor naman ang magiging papel nila ni Bela sa "Puso Ni Dok."
Mapapanood sa medical drama series ang iba't-ibang hamon na kinakaharap ng mga nagtatrabaho sa isang provincial hospital.
Ang "Sa Puso Ni Dok" ay pamamahalaan ng award winning director na si Direk Adolf Alix Jr., na siya ring nasa likod ng "Ang Bayan Ko."
Magsisimula ang "Sa Puso Ni Dok" sa Linggo, August 24 pagkatapos ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." -- FRJ, GMA News