Lani Misalucha, hindi daw pinagsisihan ang desisyong mangibang-bansa
Matapos makilala bilang Asia's Nightingale sa Pilipinas, at isa sa mga pinakasikat na mang-aawit sa bansa, nagdesisyon si Lani Misalucha at ang kaniyang pamilya na manirahan sa Las Vegas, USA noong 2004.
Sa pag-guest ni Lani sa GMA news program na "Tonight With Arnold Clavio" nitong Miyerkules, sinabing nagpatuloy ang singing career ni Lani sa Amerika kung saan kinilala siya bilang Las Vegas' New Diva at New Siren of the Strip.
Nagsimula si Lani bilang singer para sa mga commercial jingle sa radyo at telebisyon, na nagbigay naman sa kaniya ng bansag na, “Multiplex Queen.”
Hindi nagtagal, naging kabilang siya sa mga singer ng Metropop Song Festival noong 1996 kung saan inawit niya ang, “Ang Iibigin Ay Ikaw” ni Jimmy Borja. Nanalo ang naturang awitin sa Awit Award bilang Record of the Year.
Naiuwi rin niya ang grand prize sa nasabing kompetisyon matapos awitin ang “Can't Stop Loving You” ni Dodjie Simon.
Simula noon, patuloy na ang pagsikat ni Lani bilang isa sa pinakamagagaling na singer sa bansa.
Nakapaglabas siya ng ilang albums at nanalo ng mga award kagaya ng Artist of the Year Award, Aliw Award for Best Lounge Act at Awit Award for Best Performance by a Female Recording Artist. Naging host din siya ng dating Sunday noontime show na "SOP" noong 2001.
Tuloy-tuloy din ang mga pagtatanghal niya hanggang 2003.
Pero pagsapit ng 2004, napagdesisyunan ni Lani at ng kanyang asawang si Noli na manirahan na lamang sila sa Las Vegas kasama ang kanilang dalawang anak na sina Louven at Lian.
Si Lani ang kauna-unahang Asyano na pangunahing nakapagtanghal sa Main Showroom ng Las Vegas Strip, at nagbigay naman sa kaniya ng bansag na “Siren of the Strip.”
Nagtanghal din siya sa Jubilee Theater ng Bally's kasama ang Hawaii's Society of Seven.
Bukod sa mga pagtatanghal, nagkaroon din si Lani ng sarili niyang travel and lifestyle show sa isang local TV channel sa Las Vegas na may pamagat na “Las Vegas with Lani.”
Sa naturang programa itinatampok ang iba't ibang atraksyon sa Las Vegas.
Ayon kay Lani, nakatakda silang gumawa ng ikalawang season ng nasabing programa pagbalik niya sa America.
Sa kabila ng permanenteng paninirahan sa Las Vegas, bumabalik pa rin si Lani sa Pilipinas upang magdaos ng mga concert sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Kamakailan lamang, pumirma si Lani sa isang recording contract, na nagbigay daan sa “The Nightingale Returns,” ang kauna-unahang niyang album matapos ang halos limang taon.
Ilan sa mga awiting tampok sa album ang mga classic Filipino songs tulad ng "Anak ," at "Bulag, Pipi, Bingi" na kapwa ginawa noon ni Freddie Aguilar.
Hindi naman daw pinagsisihan ni Lani ang desisyong mangibang-bansa.
“Alam mo minsan, ganiyan ang tadhana. Mayroon ka talagang path na lalakarin, pero somehow ili-lead ka pa rin to something that maybe God wants you to still do,” pahayag ni Lani.
Ngayon Agosto, ilan sa mga concert si Lani sa Pilipinas ay gaganapin sa Waterfront Cebu City Hotel and Casino sa August 22, at mayroon din sa Davao sa August 29, at Baguio City sa August 30. -- BRD/FRJ, GMA News