Wowie de Guzman, emosyonal nang sariwain ang pag-aruga ng kaniyang asawa sa kanilang anak
Bukas na ihahatid sa huling hantungan ang pumanaw na asawa ni Wowie de Guzman. Hindi naman napigilan ng dating aktor na mapaiyak nang alalahanin nito ang ginawa nilang pag-aruga sa kanilang nag-iisa at bagong silang na anak.
Sa "Chika Minute" ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hindi pa rin alam ni Wowie kung ano talaga ang naging dahilan ng maaga at biglaang pagkamatay ng kaniyang misis na si Sherryl Ann.
Napagkasunduan daw kasi nila ng pamilya ng kanyang asawa na huwag nang ipa-autopsy ang mga labi nito.
"Napagdesisyunan namin na hindi na lang, basta i-let go na lang namin. Kumbaga ipagpasalamat na lang na lang namin sa Diyos na hindi siya pinahirapan ng sobra bago siya nawala. Kumbaga, natutulog lang siya nung nangyari ito," paliwanag niya.
Sa Sabado ng hapon ay ihahatid na sa kanyang huling hantungan si Sheryl. Pagkatapos ng libing, aasikasuhin daw ni Wowie ang binyag ng kanilang anak.
Isang linggo pa lang daw matapos manganak ay inayos na ni Sheryl ang binyag ng bata, na isasabay sana nila sa kanilang second wedding anniversary ngayong buwan.
Gayunman, sinabi ni Wowie na kukunsultahin pa muna niya ang pamilya ni Sheryl at umaasa siyang papayag sila dahil iyon umano ang nais ng kanyang namayapang asawa.
Hindi naman maiwasang maging emosyonal ni Wowie kapag nagkukwento kung paano nila alagaan ni Sheryl ang kanilang anak.
Nagtutulungan daw silang mag-asawa sa pag-alaga sa bata at ipinauubaya niya kay Sheryl ang anak kapag umiiyak ito at hindi makatulog.
"Kapag inabot ko sa kaniya konting hele-hele lang [tulog na ang baby] tapos tatawagin niya ako ulit, ibabalik niya akin okey na yung baby ko," pagbahagi niya.
Dagdag pa Wowie, "Parang iniisip ko lang pa'no ko gagawin ngayon 'yon wala na siya. Siyempre, iba pa rin yung pag-aalaga ng ina." -- FRJ, GMA News