ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Bugawan' sa showbiz, talamak daw, ayon sa isang dating sexy star


Isiniwalat ng dating sexy star na si Rajah Montero na talamak daw ang bugawan o "flesh trade" sa showbiz. Pagbahagi niya, mayroon isang sikat na dramatic actress ngayon ang minsan daw nasangkot sa naturang lihim na gawain.

Sa naging panayam kay Rajah sa "Startalk" nitong Sabado, inamin niya na bago siya maging artista ay nagtrabaho muna siya sa mga club bilang waitress sa murang edad na 14.

"Bago ako mag-artista nag-start talaga akong magtrabaho sa mga club, as a witress, parang entertainer. Since pumasok po ako sa pag-artista parang andami nang involve na mga bugawang isyu. Ako naman po sinasabi ko naman talaga na pumapasok [ako] sa ganung klaseng trabaho," kwento niya.

Pero paliwanag ni Rajah, pang-"PR" (public relation) daw ang uri ng pinasok niyang sistema kung saan sumasama siya sa kliyente para lamang lumabas o kumain.



"Ako na-try ko po before mag-PR.  Parang sasama ka sa kanila, di-dinner po kayo, kakain sa labas. Pero without ano po  yung sinasabi nating monkey business, wala pong ganun," dagdag niya.

Ang kasama daw nilang manager ang nakikipag-usap sa kliyente at sila na lamang ng kaniyang manager ang mag-uusap tungkol sa kaniyang magiging talent fee.

Umaabot daw sa P15,000 hanggang P20,000 ang kaniyang kinikita sa naturang trabaho ng pagpi-PR.

Kung minsan daw ay ipatatawag sila sa isang hotel o restaurant tungkol umano sa audition o commercial. Pero pagdating nila sa lugar, makikita nila ang mga lalaki, na ang iba ay mga pulitiko at "DOM."

Inamin din ng dating sexy star na minsan ay "nababasyo" o nahuhuli sila ng mga pulis. Tulad umano ng isang insidente na napasama siya sa set-up ng isang hinuling manager.

"That time po kasi ang usapan maghahatid ako ng picture kay 'tito' [tawag niya sa kausap] para  magbigay ng profile  ko. Hindi ko  naman alam na bukod sa akin may iba pa po pala siyang kausap,  na ganun nga po na bugawan, may binubugaw siyang mga babae. Hindi ko po alam na naka-set up na rin para hulihin si ano...nandun na ko kaya napasama na rin po ako," paliwanag ni Rajah na lumabas na sa maraming sexy movies tulad ng "Tukso," "Tukso Si Charito," "Blind Side," at "Langit Mo, Kaligayan Ko."

Pero tapos na daw para sa kaniya ang naturang yugto ng buhay at binago na niya ang landas na tinatahak lalo na't mayroon na siyang anak.

Gayunman, may hinanakit siya sa mga taong mababa ang tingin sa mga katulad niyang nagpa-sexy sa pelikula.

"Hindi naman nila alam ang mga pinagdaanan ko sa buhay, hindi rin nila alam kung ano ang dahilan bakit pinapasok ko yung ganung klase ng trabaho, pero 'pag sinabi nga nilang sexy star ako parang tingin nila sa akin mababang klaseng babae. Akala nila papatol na ako, ibibigay ko na yung katawan ko. Pero gusto kong ipaliwanag na hindi porke't sinabing PR, ibig sabihin e yung na po 'yon na parang ikakama ka na, ganun," paglalahad niya.

Nang tunungin si Rajah kung sa tingin niya ay patuloy pa rin ang kalakaran na sangkot ang mga katulad niyang taga-showbiz, tugon niya: "May mga sikat na alam kong pumapasok sa ganung klaseng trabaho... hindi lang po mga sexy star ang mga gumagawa noon, may mga wholesome, may mga iba't ibang channel po na mga sikat ngayon before ginawa po nila yon bago pa po sila sumikat."

Kabilang umano dito ayon kay Rajah ay isang dramatic star na sikat na sikat ngayon at mayroon din may TV show. -- FRJimenez, GMA News