Filtered By: Showbiz
Showbiz

Royette Padilla, nakalaya matapos magpiyansa


Matapos makulong ng halos tatlong araw sa Angeles City Police Station, pansamantalang nakalaya ang aktor Royette Padilla makaraang magpiyansa.

Sa ulat ni Steve Dailis sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing P12,000 ang ibinayad na piyansa ni Royatte kaugnay ng kinakaharap na reklamong grave threats na isinampa ng kaniyang mga kapitbahay na sina Efren David at Evelyn Bernardo.

Bunga ito ng umano'y panggugulo at pagpapaputok ng baril ni Royette sa kanilang lugar sa Redwood Villas sa Clark.



Ibinasura naman ng piskalya ang isa pang reklamo laban sa aktor at kapatid ni Robin Padilla, na paglabag sa Republic Act 7610 o protection of children against abuse, exploitation and discrimination.

Itinanggi ni Royette ang lahat ng paratang laban sa kaniya at iginiit na gawa-gawa lamang ito ng mga akusado.

Nanindigan din ito na wala siyang baril gaya ng ibinibintang sa kaniya.

Dati raw maayos ang samahan nila ng kapitbahay at minsan pa nga raw siyang nakikituloy sa mga ito.

"Sana napag-usapan na lang natin ang lahat, at hindi porke mga kaibigan niyo yung mga opisyales dito e lalapastanganin na ang aking karapatan... nang dahil lang sa aso, bukas yung gate, pinapasok ako dito. Nagtapat yung sa kabila na walang ibang gagawa niyan dahil may record na nga yung bata nila," ayon kay Royette.
 
Sinubukang ng GMA Newsna makuha ang panig ng nakaalitan ni Royette pero tumanggi silang magbigay ng pahayag.

Pag-aaralan naman ng kampo ni Royette kung maghahain ng kontra demanda laban sa kaniyang mga kapitbahay.

May hanggang anim na buwan pa ang kontrata niya sa tinutuluyang unit kaya hindi raw uubra ang kagustuhan ng kapitbahay na paalisin siya sa lugar. -- FRJ, GMA News