Paquito Diaz, kontrabida sa pelikula; pero bida sa totoong buhay
Walang bidang kinatakutan at inatrasan— ito ang imaheng iniwan ng premyadong kontrabidang si Paquito Diaz na napanood sa halos dalawang libong pelikula.
Sa dami ng pagkakataon na pinahirapan niya ang mga bida sa action movies gaya nina Fernando Poe Jr. at Joseph Estrada, mahirap na marahil na makalimutan ng mga fans ang mukha ni Paquito na madalas bumugbog sa kanilang idolo.
"'Pag sinabi mo si Paquito Diaz, ito yung may bigote na parating kontrabida sa mga pelikula. He was so effective kasi sa hitsura niya," ayon kay Aster Amoyo, isang showbiz writer.
Sa isang episode ng "Tunay Na Buhay," inalam ng host na si Rhea Santos ang personal at buhay-pelikula ng isa sa mga kinamumuhian at kinatatakutang kontrabida sa Philippine show business.
Basahin: Paquito Diaz's place in Walk of Fame assured
Isinilang si Francisco Bustillos Diaz o mas kilala natin bilang si Paquito sa Arayat, Pampanga. Siya ang ikalima sa walong anak ng kaniyang Mexicanong ama at Pinay na ina.
Bukod sa pagiging artista, naunang nakilala si Paquito sa larangan ng basketball nang maglaro siya kasama ang kapatid na si Romy sa Far Eastern University.
Ayon kay Teng, kapatid ni Paquito, "Siya ang nagpasikat [sa FEU], nagbigay ng karangalan, kasi mahusay nga talagang maglaro."
Bukod pa rito, isang nakapabait daw na kapatid si Paquito.
Bilang kontrabida
Ang pelikulang "Son of Kung Fu" (1957) ang kauna-unahang pelikula ni Paquito. At dahil sa kaniyang maangas na hitsura, signature na bigote at astig na porma, naging madalas nitong gampanan ang karakter ng isang kontrabida.
Kaya naman hindi na nakapagtataka na nagsunud-sunod ang mga pelikulang ginagawa niya bilang kalaban ng mga bida.
Napanood siya sa halos 2,000 pelikula, kabilang ang "Tough Guy" (1959), "Sumpa at Pangako" (1959), "Lo' Waist Gang Joins the Armed Forces" (1960), at "Nagsasalitang Kalansay" (1961).
Pinahirapan din nito ang naglalakihang action star sa bansa tulad nina Joseph Estrada sa "Asion Salonga" (1961), "Kapit sa Patalim" (1962), "Kilabot sa Daang Bakal" (1963), at "Labanang Lalake!" (1965).
Tunay ngang isa si Paquito sa nagbigay ningning sa mga bidang karakter na kaniyang binugbog at pinahirapan.
"Isa sa pinakamagaling na artistang kontrabida ng pelikulang Pilipino at isa sa pinakamagaling na ka-fight scene," wika ni Phillip Salvador.
Ayon naman kay Robert Miller, "Si Nong Paquito 'pag tawagin namin, para namin siyang kuya sa pelikula no'n— kami mga tauhan niya, kami mga kasama niya."
Sexy at comedy films
Bukod sa aksyon, nakitaan din ng talento si Paquito sa komedya at mga sexy films. Napanood ito kasama ang beauty queen at aktres na si Maria Isabel Lopez sa "Isla" (1985), Escort Girls (1985) at Isang Kumot, Tatlong Unan (1986).
Ayon sa aktres, "Meron kaming love scene, so siyempre meron akong nudity don, maseselan ang mga eksena, but he's very professional and he's very cooperative."
Nakasama rin ni Paquito ang Hari ng Komedya na si Dolphy at ang dating child wonder na si Niño Mulach sa mga pelikulang komedya ang tema.
"Bata pa lang ako talaga, nakakasama ko na siya sa movies," pag-alaala ni Niño. "Ganon talaga ang dating niya, akala mo goons tapos nakakatakot talaga siya magsalita pero he's super funny, super kalog, mabait, at magaling makisama."
Si Nena at si Paquito
Hindi lamang sa pelikula nagpapakita ng kaniyang angas si Paquito. Sa katunayan, noong isinayaw umano nito ang naging asawa na si Nena sa isang party, agad daw itong nagsalita na siya ang babaeng pakakasalan ng aktor.
"One day there was a party in the house then I saw him. He came in and there was dancing, he approached me and asked me to dance with him. Then sabi niya, 'ikaw ang babaeng pakakasalan ko,'" pagbahagi ni Nena.
Patuloy pa niya, "Sa loob ko, parang ang lakas naman ng loob. Parang nananaginip. Pero I swallowed everything dahil talagang pinakasalan ko nga siya."
Mula raw nang magkaroon sila ng mga anak, dito raw nakita ni Nena ang pagkakaiba ni Paquito sa likod at harap ng kamera.
"He gives everything that we need. Good family man siya, good provider, at masipag. Sometimes, he would do three movies in a month's time! So, imagine, talagang love niya ang career niya ang very professional siya," patuloy ni Nena.
Naging produkto ng kanilang pagmamahalan ang mga anak na sina Joanna, Chris, Cheska, at si Joko.
Sa kaniyang mga anak, sina Joko at Cheska ang mga naimpluwesiyahan na maging artista.
Ayon pa kay Nena, proud siya sa mga bata. Sinasama raw ni Paquito si Joko sa mga taping at inaalagaan. Habang, noon pa man ay batid na raw niyang magiging mahusay na aktres si Cheska dahil likas itong magaling sa pag-arte.
Simula ng karamdaman
Noong 2003, isinugod sa ospital si Paquito matapos itong tamaan ng stroke sa edad na 73. Dinala ang aktor sa Intensive Care Unit (ICU) ng ospital kung saan muli siyang na-stroke. Halos anim na buwan o mahigit silang nanatili sa ospital hanggang sa maging bedridden na ang aktor.
Basahin: Prayers sought for ailing veteran actor Paquito Diaz
Kwento ni Nena, "Super payat niya nung lumabas siya sa hospital, na halos hindi na siya makilala ng mga tao, na I had to shade his mustache kasi hindi naman puwede sa ospital."
Batid naman ni Philip, "Magagalit ang tao kung mapapanood mo siya pero siya sa tunay na buhay maraming kaibigan, maraming nagmamahal, maraming naniniwala sa pagkatao niya na mabuti siyang tao."
Hindi naman basta-bastang nagpatalo si "Nong Paquito" dahil hanggang sa huli, sinubukan pa rin nitong lumaban at maging matapang sa kabila ng karamdaman.
Sa kasamaang palad, ikinalungkot ng kaniyang pamilya, mga katrabaho, at ng mga tagahanga nang pumanaw siya noong Marso 3, 2011 dahil sa komplikasyon sa pneumonia. (Basahin: Actor Paquito Diaz passes away at 73)
"Humingi siya ng tawad sa'kin. Sabi niya, 'Mama, sorry ha, alam kong madami akong kasalanan sa'yo.' Mga ganun, so when he passed away, actually we were expecting it na kasi talagang may sakit na siya," pag-alala ni Nena.
Nakapagpaalam din daw umano ito sa mga anak niya bukod kay Joko na wala noong mga panahon na iyon.
"In sickness or in pain, 'yan ang sabi nila, till death do us part," wika ni Nena. "I always find time to visit him when I come to Manila at kaya namin siya inilibing dito. Kasi sa Bicol ako lang at mga anak ko nandito. Mas okay siguro na mga anak ko nagbibisita sa kaniya madalas kaysa sa Bicol na ako lang."
Isa raw sa mga hindi malilimutang katangian ni Paquito ang pagiging mabuting ama nito sa kaniyang mga anak, pagiging mabuting asawa, at dahil "nagbago siya for the better," ayon kay Nena. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News