Filtered By: Showbiz
Showbiz

GMA Films president Annette Gozon-Abrogar at Sarah Lahbati, nagkaayos na


Makaraan ang mahigit isang taon nang hindi pagkakaunawaan at pagsampa ng kaso at mga reklamo laban sa isa't isa, nagkaayos na sina GMA Films president Atty. Annette Gozon-Abrogar at aktres na si Sarah Lahbati.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Chika Minute" ng GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, kapwa humarap ang dalawa sa pulong balitaan at sinambit ni Sarah ang paghingi ng paumanhin sa presidente ng GMA Film.

"I want everyone to know that I am sorry because I may have said some things before that are rashly, which both hurt you and put your integrity in question. And I am really sorry for that, and I regret things that I said," pahayag ni Sarah na halos mabasag ang boses dahil sa emosyon.

Sinabi naman ni Gozon-Abrogar, na noon pa man ay nagsabi na siya na handa niyang kalimutan ang lahat kapag nakita niya ang sensiridad ni Sarah na makipagkasundo.



"Secondary na lang naman yung legal side. Dati 'pag tinatanong ako, 'mawawala na ba yung legal? may possibility ba yon?,' ang sinasabi ko naman palagi 'pag nakita ko yung sincerity ni Sarah wala na talaga lahat ng legal. Important lang sa akin yung tao hindi naman talaga yung case," paliwanag niya.

Nag-ugat ang alitan ng dalawa sa mga tweet ni Sarah noong Enero 2013 na umano'y naging mapanira kay Gozon-Abrogar. Bunga nito kinasuhan ng GMA Films president ng libelo ang aktres.

Samantala, nagsampa naman ng ilang reklamo ng libelo, perjury, grave coercion at unjust vexation si Sarah laban Gozon-Abrogar, na pawang ibinasura ng husgado dahil wala raw probable cause.

Basahin: Reklamong libel at unjust vexation ni Sarah Lahbati vs GMA Films Pres. Annette Gozon-Abrogar, ibinasura

Dumaan ang dalawa sa mediation kamakailan at nagkaayos.

Aminado si Sarah marami raw siyang natutunan sa pangyayari. Kung maibabalik daw ang nakaraan, mas nanaisin niya na kausapin na lang si Gozon-Abrogar ngayong nalaman niyang madali lang palang kausap ang GMA Film president.

"Nung nangyari 'yon 'di kami nag-uusap [ni Sarah] at all. Parang ang dami nang gulong nangyari. Ang sabi nga ni Sarah, sana nag-usap na lang kami agad kasi 10 minutes lang pala [ayos na]," ayon kay Gozon-Abrogar.

Tuwang-tuwa naman si Sarah sa muli niyang pagbisita sa bakuran ng Kapuso Network. Excited na rin daw ang aktres sa mga trabahong sisimulan niya.

Nilinaw din ni Sarah na magkakaroon siya ng isang proyekto sa labas ng Kapuso Network pero mananatili siyang Kapuso dahil may kontrata pa siya sa GMA Network. -- FRJimenez, GMA News