Filtered By: Showbiz
Showbiz

Komedyanteng nabalitang patay na, buhay na buhay pa


Buhay na buhay pa rin ang komedyanteng si Don Pepot! Pinabulaanan niya mismo ang naturang balita sa isang panayam sa GMA entertainment talk show na "StarTalk" na umere nitong Linggo. "Kung sino man ang nagbalita na matagal na akong namatay, mag-isip-isip ka muna bago ka magbalita," pahayag nito. Patuloy pa ni Don Pepot, "Doon sa mga nakaalam, mga kakilala ko na ako ay patay, heto buhay na buhay ako!" Nagsimula ang naturang balita sa isang Facebook post ng kapwa komedyanteng si Joji Isla. Gayundin, agad naman itong humingi ng paumanhin sa kaniyang Twitter account

 
Hindi na raw umano nakakagulat para kay Don Pepot ang naturang balita dahil dati na raw itong naranasan. Aniya, "Hindi na naging shocking sa 'kin 'yon dahil kasi nga, maraming nangyayari na madalas na ganon [napapabalitang namatay na]. Minsan nangyari na rin sa'kin 'yon." Nakarating sa komedyante ang naturang balita matapos itong tawagan ng mga malalapit na kaibagan at dating katrabaho sa show business kabilang na ang direktor na si Tony Reyes. "May tumawag sa 'kin na namatay nga raw ako... Hindi ako burol, heto't kausap mo ako, buhay na buhay! Maraming nag-text sa 'kin pero natatawa lang ako, hindi ko na pinapansin," paliwanag nito. Gayunpaman, iba naman ang pagtanggap ng kaniyang mga anak na naninirahan na sa  Estados Unidos. Kuwento pa nito, tumawag daw ang mga ito sa mga kapatid sa Pilipinas nang umiiyak. "Nag-aalala, tumawag agad sa mga kapatid nila na naririto, mga anak kong iba. Sabi ko, hindi totoo 'yon, baka nagkamali lang ang pagbabalita sa inyo," saad ni Don Pepot. Nabanggit din nito na maaaring ang pumanaw na si Arvin "Tado" Jimenez ang tinutukoy nito na binawian ng buhay matapos ang mahulog ang sinasakyang bus. Samantala, tatlong beses nang ipinetisyon si Don Pepot upang manirahan sa Amerika, ngunit hindi raw ito makatatagal sa uri ng pamumuhay doon. Batid pa nito, "Hindi ako makatagal doon. Hindi ko magamayan doon. Wala akong ginagawa, [mga anak ko] pagdating na ng umaga, iiwanan na ako, manonood na lang ako sa TV para nalalaman ko mga nangyayari dito, wala naman akong mapapasyalan kahit ang kapitbahay hindi ko kilala." — Mac Macapendeg/KBK, GMA News
Tags: donpepot