Komedyanteng si Tado, kabilang sa mga nasawi sa bus accident sa Mt. Province
Kabilang ang komedyanteng si Arvin Jimenez, mas kilala sa showbiz bilang si Tado, sa 14 katao na nasawi sa nahulog na bus sa in Mountain Province nitong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Senior Superintendent Oliver, hepe ng Mountain Province police, mahigit 40 pasahero ang sakay ng Florida Trans Bus (TXT 872) nang mahulog ang sasakyan sa bangin na may lalim na 100 hanggang 120 metro.
Naganap ang aksidente dakong 7:20 a.m. sa Sitio Paggang, Barangay Talubin, Bontoc.
Sa isang ulat ng dzBB radio, sinabing ang bus ay galing sa Sampaloc, Manila at papuntang Bontoc.
Dinala naman sa ospital ang 29 na iba pang nasugatan sa aksidente kabilang ang drayber at konduktor ng bus.
Nawalan umano ng preno ang bus kaya nahulog sa bangin. Natanggal din ang bubungan ng sasakyan.
Sa hiwalay na ulat ng GMA news "24 Oras," sinabing naging mahirap ang pagkuha sa mga biktima ng sakuna dahil sa malalim ang lugar na pinagbagsakan ng bus.
Sinabi rin sa naturang ulat na kabilang si Tado sa mga nasawi.
Sa Facebook post ng organisasyong DAKILA, samahan ng mga alagad ng sining kung saan kabilang si Tado sa mga nagtatag, kinumpirma nila na kasama ang komedyante sa mga nasawi sa sakuna.
"As of 4:30PM today, we have confirmed that Arvin "Tado" Jimenez, one of the founding members of Dakila, is one of the casualties of the Bontoc bus accident. He is survived by his wife and four children. We will be posting details about the wake as soon as we have coordinated with the family. Thank you," nakasaad sa post ng Dakila.
Sa isa pang post ng Dakila, inihayag ng grupo na umakyat si Tado sa Mt Province para sa ginagawa nitong proyekto na "40 Mountains Project."
Samantala, bumuhos naman ang mga nagpaabot ng pakikiramay kay Tado sa pamamagitan ng kaniyang Twitter at Facebook account.
Post ni Tado sa biyahe
Sa kaniyang Twitter account, nakapagpost pa si Tado ng larawan ng isang Florida bus at nilagyan niya ito ng caption na "Long trip, as in trip trip."
Long trip, as in trip trip @ GV Florida Transport http://t.co/7sVSKueuVo
— Tado Jimenez (@tado_jimenez) February 6, 2014
Hindi malinaw kung ang bus sa larawan ang siya ring bus nasangkot sa naaksidente dahil hindi kita ang plaka nito. Pero makikita sa harapan ng bus ang rutang "Bontoc at Banaue."
Samantala, nag-upload din si Tado ng isang larawan nitong Huwebes, na makikitang nilalagyan siya ng make-up at nilagyan niya ito ng caption na, “North o South.... cemetery?”
Magmarka ang paraan ng pagpapatawa ni Tado, 39-anyos, sa mga manonood dahil sa manipis niyang pangangatawan, suot na malaking salamin at mahabang buhok.
Bukod sa pagiging komedyante, aktibista rin si Tado, radio personality at negosyante.
Nagtapos siya ng kolehiyo sa Polytechnic University of the Philippine sa kursong psychology, at naninirahan ngayon sa Marikina.
Napanood din si Tado sa ilang programa sa GMA tulad ng "Day Off", "Game", "Laugh to Laugh", "Kaya ng Powers", at naipalabas din ang kaniyang buhay sa GMA News TV's Tunay Na Buhay.
Sa nabanggit na programa kung saan host si Rhea Santos, ibinahagi ni Tado ang kaniyang prized possession na 1967 Volkswagen Deluxe.
Isinilang si Tado sa Baybay, Leyte noong March 24, 1974, pero lumaki sa Nueva Ecija.
Dahil lumaki sa hirap, nagpursige si Tado na umangat sa buhay sa pamamagitan ng pag-aaral at sumabak sa iba't ibang trabaho hanggang sa makapasok sa showbiz.
Binalak din niya na pasukin ang pulitika pero nabigo nang matalo sa pagtakbong konsehal sa Marikina noong 2013 elections.
Sa programang "Tunay Na Buhay," natatawang sinabi ni Tado na gusto niyang maging presidente ng bansa at tatakbo siya sa nabanggit na posisyon sa 2021.
Nang tanungin ni Rhea kung ano ang aral ng tunay na buhay ni Tado, tugon niya: "Yung tunay na buhay pala ay manatiling kang buhay. Kasi kapag hindi ka...wala ka dun sa agos, yung iniisip mo na tunay na buhay ay magiging ilusyon na lang."
Naulila ni Tado ang kaniyang misis na si Lei at ang kanilang apat na anak. -- FRJimenez, GMA News