Marian Rivera, 'di apektado ng mga paninira sa kanya sa social media
Puno raw ng kasiyahan ang puso ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera kaya naman hindi na raw nagpapaapekto ang aktres sa mga lumalabas na paninira sa kaniya sa mga social media.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa Starbites ng GMA News TV's Balitanghali nitong Huwebes, sinabing hindi na raw bago para kay Marian ang inilalabas na paninira sa kaniya ng ilang tao sa social media.
Nito kasing nakaraang Lunes, may nag-post sa social media ng balitang nasawi si Marian sa isang car accident. At nasundan naman ito ng isa pang post na nagpapakita ng kabaong na may larawan ni Marian at may nakalagay na "RIP" Carmela.
Ginagampanan ni Marian ang karakter na si Carmela sa hit primetime series na "Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw."
Basahin: Marian Rivera, pinangunahan ang launching ng ‘Adopt a Banca’ project
Nang hingan ng reaksiyon, walang galit na mababakas sa mga pahayag ng aktres.
"Siguro kung may mga taong gumagawa ng masama para sa kapwa nila hahayaan na lang natin. Hindi naman natutulog ang Diyos e, alam ng Diyos kung sino yung dapat niyang pakinggan at pagbigyan," paliwanag ni Marian.
"Kapag ang tao ay punong puno ng pagmamahal sa sarili niya wala yata siyang makikita na ni katiting na kapintasan sa ibang tao, at sa punto sa buhay ko ngayon masaya ako at ang puso ko'y punong-puno ng pagmamahal," dagdag niya.
Labis din ang pasasalamat at pagmamalaki ni Marian sa kanyang fans na lalo pang pinag-iibayo ang pagsuporta sa kanya.
"Iyan naman ang ipinagmamalaki ko sa mga fans ko, hindi gagawa ng anumang ikasisira ng ibang artista o kung anoman ang gagawin nila para lang, alam mo 'yon?," paliwanag niya. "Basta itong mga fans club na ito mabubuti ang puso kaya dun ako kaya lalo ko silang minamahal."
Masayang habol pa ni Marian na hindi naman kailangang manakit ng ibang tao.
Isa pang ikinatutuwa ni Marian ang pagiging cover nila ng boyfriend na si Dingdong Dantes sa Valentine issue ng isang glossy magazine.
May plano na rin umano ang magkasintahan sa Valentines day.
"May plano, aalis kami pero hindi ko pa alam kung saan [kami pupunta]," masayang niyang paglalahad. -- FRJimenez, GMA News