Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vhong Navarro, itinuro sa NBI ang iba pang bumugbog umano sa kaniya


Binalikan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes ang aktor na si Vhong Navarro sa ospital para kilalanin ang iba pang kasama sa mga bumugbog umano sa kaniya sa condominium unit ni Deniece Cornejo sa Taguig City noong Enero 22.

Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita kay Vhong ng mga operatiba ng NBI ang mga larawan mula sa kuha ng CCTV sa condo building upang kilalanin ang iba pang lalaki na kasama sa paggulpi sa kaniya.

Basahin: Vhong Navarro, na-ospital matapos bugbugin ng 6 na kalalakihan

Basahin: Vhong Navarro, naka-blotter sa Taguig police dahil sa pamumuwersa daw sa 22-anyos na babae

Basahin: Vhong Navarro's camp denies alleged rape attempt

Basahin: Raps filed vs. Vhong Navarro's attackers

Basahin: Reklamong rape vs Vhong, isinampa ni Deniece

Basahin: Deniece Cornejo's message to Vhong Navarro: 'Kuya Vhong, alam mo kung ano yung katotohanan'

Bukod sa pagtukoy sa larawan ng iba pang suspek, kinunan din ng supplemental affidavit o dagdag na pahayag ang aktor kaugnay sa mga nangyari.

Tumagal umano ng may apat na oras ang pananatili ng mga taga-NBI sa ospital.

Ayon kay Atty. Ferdi Manuel ng NBI, positibong kinilala ni Vhong sa mga larawan ang iba pang kasama sa pananakit sa kanya.

Samantala, bumalik din ang ibang operatiba ng NBI sa condominium ni Deniece para ihatid ang subpoena upang hingin ang CCTV footage sa unang pagpunta ni Vhong sa gusali noong Enero 17.

Basahin: Wine at oral sex sa unang pagkikita nila ni Deniece, ayon kay Vhong Navarro

Humingi rin ang NBI ng sworn affidavit ng ilang empleyado ng condominium para makumpleto ang kanilang imbestigasyon.



Kaugnay nito, hindi naman sumipot sa NBI ang iba pang personalidad na ipinatawag ng ahensiya upang magbigay-linaw sa reklamo ng si Vhong ng pambubogbog na naganap sa ikalawang pagbisita niya sa condo ni Daniece noong Enero 22.

Iginiit ni Cedric Lee na naaktuhan nilang nakapatong si Vhong sa kaibigan niyang si Deniece kaya nila ito nasaktan. Inireklamo ni Deniece ng panggagahasa ang aktor sa piskalya ng Taguig City nitong Miyerkules.

Basahin: 'Pagkalalaki' ni Vhong, dumampi raw sa 'pagkababae' ni Deniece

Gayunman, dumating sa tanggapan ng NBI ang dalawang babae dala ang sulat mula kay JP Calma, na sinasabing kasama nina Deniece at Cedric nang gabing magulpi ang komedyante.

Hiniling umano ni Calma na ipagpaliban sa Lunes ang pagharap niya sa NBI dahil wala pa siyang abogado.

Pinadalhan din ng subpoena ng NBI ang isang Jed Fernandez, na kasama rin umano ng grupo ni Cedric noong Enero 22.

Maging ang magkapatid na Cedric at Bernice Lee at si Deniece, ay hindi rin nagpakita sa NBI.

Nagtungo naman sa NBI si Atty. RJ Magtibay ng Calleja law firm, upang ipaliwanag na noong Lunes, Enero 27, lang kinuha nina Cedric at Deniece ang kanilang serbisyo kaya hindi sila agad nakatugon sa imbitasyon.

Sa kabila nito, nangako silang makikipagtulungan sa imbestigasyon ng NBI.

Hindi naman nakita ng isang team ng NBI si Zimmer Ranz sa sinasabing bahay nito sa Paranaque para ibigay ang subpeona.

Sinubukan ng GMA news na kunan ang pahayag sina Cedric at Zimmer sa naturang usapin,  pero ang mga abogado na lang umano nila ang kausapin, tugon nila sa ipinadalang text message. -- FRJimenez, GMA News