Ang kaniyang maamong mata at mala-anghel na mukha ang imaheng iniwan ng isa sa mga "Regal Cry Babies" noong dekada 80 at kinilalang 'Soap Opera Princess' na si Julie Vega. Ang maagang pagpanaw sa murang edad na 16 noong May 6, 1985 ang pumutol sa tinatamong kasikatan ng teen star na si Julie. Maging ang dahilan ng kaniyang pagkamatay ay naging malaking palaisipan sa mga taong sumubaybay sa kaniya. Nakilala si Julie Vega sa kaniyang kauna-unahang lead role bilang "Angelita" sa pelikulang "Mga Mata ni Angelita" (1978). Sinundan ito ng kaniyang title role sa telebisyon na "Annaliza" (1980), at bilang anak nina Dante Rivero at Boots Anson Roa sa pelikulang, "Ang Pag-ibig Ko'y Huwag Mong Sukatin" (1974) noong siya'y anim na taong gulang pa lamang.
"Napakalaking artista ni Julie Vega na may maraming fans and in demand sa movie at TV," wika ni Peter Ledesma, isang showbiz columnist. Sa isang episode ng "Tunay Na Buhay," nakapanayam ng host na si Rhea Santos ang ina ni Julie Vega na si Perla Postigo upang magbalik- tanaw sa naging buhay ng batang aktres.
Bago maging 'Julie Vega' Isinilang si Julie Pearl Apostol Postigo o Julie Vega noong May 21, 1968. Isang dentista ang kaniyang ama at isang government employee naman ang ina. Siya ang nag-iisang babae sa anim na magkakapatid. Kuwento ng kaniyang ina, bibong bata si Julie at kumaway ang mundo ng showbiz sa batang aktres nang isama siya ng isang kaibigan para subukan mag-audition para sa isang advertisement. Sa murang edad na anim, sumabak sa pag-aartista si Julie na may screen name pa noon na "Darling Postigo" sa pelikulang, "Ang Pag-ibig Ko'y Huwag Mong Sukatin" (1974) kasama sina Dante Rivero at Boots Anson Roa. "Seryoso si Julie sa pag-aartista, naghahanda for a scene pero marunong din magbiro ang bata. Ang biruan namin parati non pagmalapit na siyang umiyak o kailangan siyang paiyakin, ang usapan namin 'O sige, buksan mo na ang gripo ng mata mo,' ganon," pag-alala pa ni Boots.
Unang acting award Mas nakilala ang aktres mula nang bumida na siya sa kaniyang title role na "Mga Mata ni Angelita" (1978). Dito, ginamit na niya ang screen name na "Julie Vega." Kuwento ni Nanay Perla, "Naghahanap sila ng batang babae na mahabang buhok, magandang mata, mestiza." Sa pelikulang ito, nakamit ni Julie ang "Best Child Address" award mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards (FAMAS). Muli namang kinilala ng FAMAS ang kaniyang talento sa pag-arte bilang "Best Child Actress" nang makasama ang "The King" na si Fernando Poe Jr., sa pelikulang "Durugin si Totoy Bato" (1979).
Soap Opera Princess Unang inalok kay Julie Vega ang karakter ni Maria Flor de Luna na umere noon sa RPN-9. Ngunit hindi nila tinanggap ang proyekto at napunta kay Janice de Belen. "Prior to that, tumawag sa'kin ang Channel 9 [IBC], kukunin si Julie to play the role of Flor de Luna, si Janice noon wala pa. Hindi namin tinanggap 'yon, sabi namin, binabawalan kami ni Larry Santiago na tumanggap kahit saan sa TV," kuwento ni Nanay Perla. Ngunit hindi rito nagtapos ang karera ni Julie sa telebisyon. Sa taong 1980, bumida ang aktres sa soap opera na "Annaliza." "Nag-rate kami nang mataas at natalo namin ang Flor de Luna, hindi na namin pinabayaan. Every now and then, nagmi-meeting kami at kung ano ang gustong tao, 'yon ang binibigay namin. Talagang kung ano ang nakikita sa television, yon siya," pahayag ni Direk Gil Soriano, ang direktor ng Annaliza. Dahil din dito, kinilala ang aktres bilang "Soap Opera Princess" noong dekada 80.
Bigating mga artista Hindi lamang sa telebisyon napanood si Julie Vega sa taong 1980 dahil bumida rin siya sa apat na pelikula kung saan nakasama niya ang ilan sa pinakamalaking artista sa Philippine show business. Ito ang "Anak ng Atsay" kasama ang "Hari Ng Komedya" na si Dolphy; ang "Angelita Ako Ang Iyong Ina" kasama ang batikang aktres na si Susan Roces; "Kape't Gatas" kasama ang yumaong aktor na si Chiquito; at ang kaniyang title role na "Pompa." Sa pelikulang "Kape't Gatas," nagwagi ang aktres bilang "Best Child Performer" sa 1980 Metro Manila Film Festival. Ayon kay Nanay Perla, naging masaya si Julie sa kaniyang trabaho bilang artista.
Regal Cry Babies Sa edad na 13, napabilang si Julie sa mga prized talent ng Regal Entertainment o mas kilala sa tawag na "Regal Cry Babies." Kasama ni Julie sa "Regal Cry Babies" sina Snooky Serna, Janice de Belen, Maricel Soriano, dahil sa husay nila sa pag-iyak. Pagmamalaki ni Nanay Perla, "Sa kaniya lang 'yon, walang nagturo. Even her acting is her own. Talaga yatang ipinanganak siyang ganon." Maituturing umano si Julie bilang isa sa mga paboritong aktres ng Regal. "We signed up a contract with Regal and of course, masaya kami dahil kahit sa pelikula magkakasama pa rin kami, sa production, sa film production particularly sa Regal, kami pa rin ang magkakasama don," kwento ni PJ Abellana, isa sa mga nakatrabaho ni Julie. Dahil na rin sa mga nagawa nitong pelikula para sa Regal films na lahat ay certified box office hits, tatlong magkakasunod na pelikula pa ang kaniyang nagawa sa taong 1983. Ito ay ang "Don't Cry For Me Papa," "Where Love Has Gone," at "Daddy's Little Darlings."
Julie Vega bilang singer Bukod sa pagiging aktres sa telebisyon at sa pelikula, ipinamalas din ni Julie ang kaniyang talento sa pag-awit. Sa katunayan, siya mismo ang kumanta ng mga theme song sa ilang pelikulang ginawa niya kabilang na ang "Dear Mama" at "Where Love Has Gone." "Mahal niya [ang pagkanta] dahil pinag-aaral niya. Maski naliligo 'yan, kumakanta," saad ni Nanay Perla. Ayon naman kay Mon del Rosario, isang composer, "No'ng nagre-rehearse na kami, nagulat ako— ang ganda pala ng boses niya. Hindi siya belter pero malamig ang boses niya, makapal and I think, sabi ko maganda ang kalalabasan and ganun nga." Wika naman ni Imelda Papin, "Napaka-sweet ng kaniyang boses and nakita namin ang kaniyang potential na sabi namin na talagang maghihit siya sa recording." Sa kaniyang mga trabaho sa pagkanta, pelikula, at telebisyon, hindi raw kinakitaan ng pagkapagod si Julie. Katunayan, excited raw ang dalagita tuwing may bago siyang proyekto. "She is serious about her job. She never complains. Sabi niya, gusto pa raw niya and role na hindi pa niya nagawa," pag-alaala ng ina.
"The Untold Story of Julie Vega" Sa susunod na taon, nakatakdang lumabas ang librong "The Untold Story of Julie Vega" na isinulat ni Shella Villamor. Para umano ito sa mga tagahanga at sa mga taong gustong malaman ang istorya ng "Soap Opera Princess" na hindi pa nila napanood sa telebisyon. Ani Shella, "Doon pa lang sa title, marami tayong malalaman about Julie Vega na hindi pa napanood sa mga interview, hindi pa napanood sa mga pelikula, at saka kung ano mang mga katanungan na bumabagabag; kumbaga doon sa mga isipan ng tao ay mabibigyang kasagutan na, I might as well do her life story." Naisip umano ng awtor na sa libro na lamang hindi naikukuwento ang istorya ni Julie Vega. Nagkaroon na ng pelikula ang buhay ng aktres na may titulong, "Life Story of Julie Vega" at napanood na rin ito sa telebisyon sa "Tunay Na Buhay." Sa kabila ng kasikatan, hindi pinabayaan ng aktres ang kaniyang pag-aaral. Ayon sa kaniyang ina, hindi raw nila pinapayagan na magkaroon si Julie ng taping tuwing may pasok. "Hindi kami papayag na may taping siya on school days. Magtaping siya Friday afternoon at puwede pa siya magdamag, basta kinabukasan hindi na siya magta-taping," kwento nito.
Ang huling pelikula Ang "Lovingly Yours, Helen" (1984) ang huling naging pelikula ni Julie, kung saan ginampanan niya ang karakter ng isang babaeng sinapian ng masamang espiritu o may temang exorcism. Paliwanag ni Nanay Perla, tutol siya na gawin ni Julie ang pelikula ngunit nagustuhan daw ito ng anak. "'Yang 'Lovingly Yours,' ayaw ko 'yan e, nagustuhan niya— diyan siya nagkasakit. Siguro a month after that, doon na siya nagkasakit," ayon sa ina ng aktres. Dahil sa pagkakasakit matapos gawin ang pelikula, hindi naiwasan noon na may mag-isip kung may kinalaman ang tema ng pelikula sa nangyari sa batang aktres. Pero ayon kay Nanay Perla, ang pagsama ng kalusugan ng anak ay bunga ng naging problema nito sa kalusugan batay sa paliwanag ng sumuring duktor. "Sabi ng duktor sa'min, the spinal nerve, unti-unti daw nagninisnis. Kung lalakad siya sa ospital, hindi siya makalakad mag-isa kundi si-zigzag siya," pagbahagi ng ginang. Sa medical findings ni Julie, sinabing mayroong "Guillain-Barré syndrome" ang aktres kung saan nagiging paralisado ang kaniyang katawan at apektado rin ang peripheral nervous system. "Hindi na siya makagalaw. Ang last request niya, 'Mama, please bring me to house of prayer.' Dinala namin sa doon," wika ni Nanay Perla. Ang medical records na lang umano ang kanilang pinaniwalaan sa tunay na naging sanhi ng maagang pagkawala ni Julie. "We were praying na lang that time kasi we can't talk to her anymore because she was on coma," dagdag ng ina ng aktres. Naging maikli man ang naging buhay ni Julie Vega, marami pa rin siyang mga magandang alaala na iniwan sa industriya ng show business at sa mga tao. Isang patunay dito ang pagbuhos sa burol ng aktres ng mga nais magpaabot ng pakikiramay at pagmamahal, na hanggang ngayon ay nananatili kahit wala na ang kanilang batang idolo. --
Mac Macapendeg/FRJ, GMA News