Filtered By: Showbiz
Showbiz

Naaalala mo pa ba ang yumaong batikang aktres na si Charito Solis?


Labing-anim na taon na ang nakararaan nang pumanaw ang isa sa pinakamagaling na artista sa Pilipinas na si Charito Solis. Pumanaw ang aktres noong Enero 9, 1998 sa edad na 63 dahil sa atake sa puso.
 
Sa kaniyang tatlong dekada sa show business, kinilala at nirespeto si Charito bilang batikang alagad ng sining sa pag-arte. Sa katunayan, marami siyang karakter na ginampanan sa pelikula ang tumatak sa mga manonood.  Kabilang na dito ang role niya bilang si Princess Maila sa pelikulang "Igorota" (1968), si Margarita sa "Dahil Sa Isang Bulaklak" (1967), at si Ina Magenta sa sitcom at pelikulang "Okey Ka, Fairy Ko" (1987).
 
Sa isang episode ng "Tunay na Buhay, binalikan ng host na si Rhea Santos ang mga alaala ni Charito Solis sa show business at maging sa kaniyang personal na buhay. 
 
Ang "new look" ng LVN Pictures
 
Nadiskubre si Charito ng kaniyang tiyuhin na si F. H. Constantino, isang direktor,  habang nagdiriwang ng kaniyang ika-18 na kaarawan. Nang mga panahong iyon, naghahanap si Constantino ng "new look" ng LVN Pictures na pagmamay-ari ni Narcisa Buencamino-de Leon, isang film producer. 
 
Kuwento ng nakababatang kapatid ni Charito na si Yoly Solis-Tiongco, hindi kaagad nakumbinsi ng kanilang tiyuhin ang aktres na mag-artista dahil hindi siya marunong umarte.
 

Charito Solis . Larawan mula sa Facebook page ng "Tunay Na Buhay"

"Siguro sa pag-convince n'ong uncle ko— nagmakaawa na dahil talagang kailangang makahanap na sila," dagdag ni Yoly.
 
Taong 1955 nang lumabas ang kauna-unahang pelikula ni Charito na "Niña Bonita," kung saan ibinigay kaagad sa kaniya ang pangunahing karakter. Pag-alala pa ni Yoly, hindi naging madali para kay Charito ang pag-arte sa harap ng camera. 
 
"Naka-26 shots nga, e. Nakatulog na ang crew. Hindi [siya tinanggal], 'yon ang pinagtataka namin. 'Yong uncle ko naiinis na talaga, pinapagalitan na siya tapos nagsumbong na kay Doña Sisang [Narcisa Buencamino-de Leon] sabi niya, 'pabayaan niyo dahil first time ng batang 'yan. Pagtiyagaan niyo 'yan,'" patuloy ni Yoly.
 
Bagaman hindi ipinangako ni Doña Sisang na muling ibibigay sa kaniya ang lead role sa susunod na proyekto, masuwerte naman ang aktres nang muli siyang gawing bida sa ikalawa niyang pelikula na may titulong "Charito, I love you" (1956) kung saan nakatambal niya si Leroy Salvador.
 
Not a bold actress
 
Si Charito ang sinasabing kauna-unahang aktres na naghubad sa pelikulang Pilipino. Ito ay para sa "Dahil Sa Isang Bulaklak" (1967) kung saan nakatambal niya ang aktor na si Ric Rodrigo.
 
Samantala, siya rin ang sinasabing unang Pinay actress na nagpakita ng dibdib sa pelikula para sa kaniyang karakter na Princess Maila sa "Igorota" (1968).
 
Sa isang panayam noon kay Charito nang nabubuhay pa, sinabi niya: "Ang mga ginagawa kong pelikula noon, may istorya. At kung sakali mang kailangan kang mag-alis ng damit, kasama 'yon sa istorya."
 
Unang acting award 
 
Natanggap ni Charito ang kaniyang unang acting award mula sa  Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) para sa pelikulang "Kundiman ng Lahi" (1959) kung saan nakatambal niya si Eddie Rodriguez.
 
Nagtuluy-tuloy ang pagkilala sa galing ng aktres hanggang sa tanghalin siya bilang isa sa mga artistang iniluklok sa FAMAS Hall of Fame noong 1984.
 
Pag-alala ni Mary J. delos Reyes, isa sa mga naging direktor ni Charito, "Ang acting niya, she has her own way of attacking it. Pero she's not also close to the fact na you can tell her what you want to see at saka ang vision mo, pakikinggan ka niya."
 
Bukod sa FAMAS, kinilala rin ang galing ni Charito sa 1967 Asian Film Festival para sa kaniyang pagganap sa pelikulang "Dahil Sa Isang Bulaklak." Nagwagi siya rito bilang Best Actress.
 
Sa kaniyang tatlong dekada bilang aritsta, nakagawa siya ng halos 100 pelikula at isa sa mga hindi malilumutan niya pagganap ay para sa pelikulang "Init" (1979), kasama ang beteranong aktor na si Phillip Salvador.
 
Kuwento ni Phillip, "She brings out the best in a co-actor. She comes on time and kapag nagme-memorize 'yan, serious na 'yan, hindi mo na puwedeng guluhin 'yan."
 
Istriktang aktres 

Nakilala si Charito sa industriya na istrikto pagdating sa trabaho. Ngunit sa kabila nito, nakilala rin siya bilang isa sa pinakamabait at maunawain na aktres ng kaniyang panahon.
 
Sambit ng showbiz reporter na si Lhar Santiago, kapag nakaka-trabaho raw ng mga baguhang artista si Charito, tila nagiging "behave" sila.
 
Kuwento naman ni Direk Maryo, nagluluto raw ang yumaong aktres sa set kaya naman mayroon na raw silang pagkain tuwing break sa shooting.
 
Ang taga-lupa kay Ina Magenta
 
Hindi malilimutan si Charito sa kaniyang pagganap bilang engkantadang si "Ina Magenta" sa sitcom na "Okey Ka, Fairy Ko!" na pinagbidahan nina Vic Sotto at Alice Dixon. Dahil sa tagumpay ng sitcom, ilang beses pa itong ginawang pelikula. 
 
Ginampanan ni Charito ang karakter bilang ina ni Faye, ang karakter ni Alice.  Ilan sa mga tumatak na linya niya ay ang pagtawag niya kay Enteng Kabisote (Vic) bilang na "taga-lupa," at ang pasimpleng "ummm" pagkatapos niyang  magsalita.
 
Pag-alala ng isa sa mga bida ng palabas na si Tweetie de Leon- Gonzales, gumanap din bilang Faye, "She was the first one who made me feel welcome in the "Okey Ka, Fairy Ko family." She maybe the most senior in the cast, talagang she reached out to me and made me feel na okay ka lang dito, aalagaan kita."
 
Nagbenta ng sampaguita nang bata pa
 
Ipinanganak si Charito bilang Rosario Violeta "Charito" Solís, noong Oktubre 6, 1935. Mayroong siyang tatlong kapatid at may dugong Español mula sa kanilang mga magulang.
 
Sa kasamaang palad, nagkahiwa-hiwalay silang magkakapatid matapos pumanaw ng kaniyang ama dahil hindi na sila kayang buhayin ng ina. Tumira si Charito sa isa nilang tiyahin at dito nakaranas si Charito ng pagmamaltrato.
 
Pag-alala pa ni Yoly, maganda ang trato ng kanilang tiyahin kay Charito noong una pero nagbago ito nang dumating mula sa ibang bansa dalawa nitong kapatid at nakaramdam na ito ng pagmamaltrato.
 
Dumating umano sa punto na sa servant's quarter na natutulog si Charito at napilitan ding magbenta ng sampaguita sa eskwelahan.
 
Makalipas ng anim na taon mula nang magkahiwa-hiwalay, muling nagkasama-sama ang magkakapatid sa tulong din ng kanilang panganay na kapatid.
 
Matapang na Charito
 
Dahil sa sinapit  sa buhay, lumaki umano si Charito na palaban at matapang. 
 
"Mataray at saka nakikipag-away yan," paglalarawan ni Yoly sa kaniyang kapatid.  Maging ang mga lalaki na nagkakagusto sa kaniya, tila nakatikim ng kasungitan ng aktres.
 
Ani Yoly, "Halimbawa merong letter sa school books niya, usually gano'n ang style noong araw ng mga teenager. Alam niya kung sino tapos ayon, haharapin niya 'yon."
 
"The Thunderstar"
 
Kung si Nora Aunor ang "Superstar," si Vilma Santos ang "Star for all Seasons,"  ang 50s actress naman na si Charito Solis ang tinaguriang "The Thunderstar."
 
Binansagan si Charito ng entertainment press bilang "The Thunderstar" dahil sa tinanggap na mga parangal at gayundin sa galing sa pag-arte, ayon kay Lhar.
 
Tumibok ang puso kay FPJ
 
Nakatambal din ni Charito ang yumaong "Hari ng Pelikulang Pilipino" na si Fernando Poe Jr.  sa pelikulang "Sandata at Pangako" (1961). 
 
Ang tambalan ng dalawa sa harap ng kamera ay umabot hanggang sa labas ng mga eksena. Naging magkasintahan sina Charito at FPJ na tumagal ng tatlong taon.
 
Pinabulaanan naman ni Yoly ang mga balitang ikinasal ang kaniyang kapatid na si Charito kay FPJ.

Ang koleksyon ni Charito
 
Sa kaniyang tirahan sa Tagaytay, naroon ang iba't ibang baso na koleksiyon ni Charito tulad ng mga wine glass, shot glass, at scotch glass.  Paboritong lugar naman daw ng aktres ang bahay sa Sta. Rosa, Laguna.
 
"Itong lugar po kasi noong araw, bukid. Mahangin at talagang very perfect  location to relax lalo na sa mga artista. Dito dinadala ni Tita Chato ang mga kaibigan niyang aritsta," kwento ng pamangkin nito na si Edward Tiongco.
 
Kabilang umano sa mga artistang nakapasyal sa naturang lugar ay sina FPJ, Joseph Estrada, Nora Aunor, at mga nakasama sa "Okey Ka, Fairy Ko!"
 
Bagaman 16 na taon na mula nang pumanaw si Charito Solis, ang kaniyang talento sa harap ng kamera at mabuting kalooban sa likod ng kamera ay hindi maliimutan. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News