Filtered By: Showbiz
Showbiz

Komedyanteng si Whitney Tyson, hangad na makabalik sa showbiz


Ang mabigyan ng panibagong pagkakataon na makabalik sa show business at magampanan ang kaniyang dream role ang hiling ng komedyanteng si Whitney Tyson na minsan kinagiliwan ng mga manonood.

Ayon sa komedyante na unang nabigyan pagkakataon umarte sa gag show na "Going Bananas" noong dekada 80's, marami pa raw siyang puwedeng ipakita sa mga tao na hindi pa nadidiskubre sa kaniya bilang aktres.

Whitney Tyson... Tunay Na Buhay FB account
 
"Marami pa [na pwedeng ipakita] na hindi pa nila nadidiskubre," pahayag ni Whitney sa isang episode ng "Tunay na Buhay" ni Rhea Santos.
 
Nakilala sa Whitney bilang komedyanteng may matiim ang balat at duling ang mga mata. Nadiskubre siya ng isang talent scout matapos makipag-away sa isang bar sa Angeles, Pampanga, ang lugar kung saan ito siya lumaki.
 
Kwento niya kay Rhea, "Noon, ang mga black hindi pwede pumasok sa disco ng mga white person. So, nang minsan pumasok ako sa pang-white na disco, ayaw nila akong papasukin. Residente ako doon pero ayaw nila akong papasukin, nakipag-away ako sa Americano."
 
"Hindi ko na alam pa'no sagutin sa Ingles, tinagalog ko. Natuwa ang bakla, lumapit sa'kin. Sabi niya, kung gusto ko raw sumama sa kaniya sa Maynila, gagawin daw niya akong artista," patuloy nito.
 
Ang scene name ni Whitney, o Bunny Fowler sa tunay na buhay, ay hango sa pinagsamang pangalan ng sikat na mang-aawit na si Whitney Houston at dating heavyweight boxer na si Mike Tyson.
 
Sa dalawang dekada niyo sa industriya, napanood na si Whitney sa mga pelikula katulad "Yes Darling, Walang Matigas na Pulis 2" (1997) bilang side kick ng dating sexy star na si Rosanna Roces. Gayundin sa mga programa sa telebisyon gaya ng "Richard loves Lucy" (1998), "Tropang Trumpo" (1994), "Mara Clara" (1992), at "Going Bananas" (1988).
 
Noong 2012, naging laman ng balita si Whitney na humihingi ng tulong matapos masunog ang kaniyang bahay sa ilalim ng tulay sa Nagtahan sa Sta. Mesa, Maynila.
 
Sa ngayon, isang taon nang naninirahan si Whitney sa resettlement sa San Jose del Monte Bulacan kung saan kasama niya ang kaniyang ina. 
 
Ang mga tagahanga umano ang isa sa mga nakatutuwang alaala ni Whitney noong aktibo pa siya sa show business.
 
"Masaya dahil maraming nagpapa-picture, nagpapa-autograph, kinagigiliwan ka ng mga tao. Makita lang ang kulay, balat pa lang sumisigaw na ang tao," ayon sa komedyante.
 
Hindi naman ipinagkaila ng aktres ang kaniyang tampo sa industriya na kaniyang minahal.
 
"Napapansin ko [pero] 'pag may bago, hindi ka na papansinin," sambit nito.
 
Kung mabibigyan ng pagkakataon na makabalik sa showbiz, sinabi ni Whitney na nais niyang subukan ang ibang role at hindi ang kadalasang karakter niya na katulong.
 
Sinabi ni Whitney na gusto niyang magampanan ang kaniyang dream role bilang isang maitim na mangkukulam. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News