Kapuso stars, lumikha ng music video na 'Bangon Kaibigan' para sa 'Yolanda' victims
Sa isang pambihirang pagkakataon, nagsama-sama at nag-alay ng kanilang panahon ang mga Kapuso stars para lumikha ng music video na “Bangon Kaibigan” na alay nila sa mga sinalanta ng bagyong "Yolanda."
Ang awitin na may titulong “Bangon Kaibigan ay nilikha ni Janno Gibbs, at siya ring nanguna para mabuo ang nabanggit na proyekto.
"Mensahe ng kanta ay 'wag mawawalan ng pag-asa. Kahit na gaano tayo kalubog o natapakan, kaya natin, lalo na ang Filipino," paliwanag ni Janno.
Ayon naman kay Regine Velasquez, masaya siya na maging bahagi ng proyekto kung saan ang awitin ay nagpapakita na hindi nag-iisa ang mga Filipino at hindi sila dapat mawalan ng pag-asa dahil kasama natin ang Diyos.
Sinabi naman ni Joey de Leon na hindi siya nagdalawang-isip na sumama sa MTV nang banggitin sa kaniya ang pakay ng proyekto.
"Alam mo sa ganyang bagay nagiging anghel lahat tayo sa tinig at sa gawa," anang tinaguriang Philippine entertainment guru at "Eat Bulaga" host.
Bukas (Dec. 15) sa "Sunday All Stars," mapapanood sa unang pagkakataon ang music video ng "Bangon Kaibigan."
Ayon pa kay Janno, maaaring i-download ang awitin. Pinirmahan din ng mga Kapuso star ang mga isinuot nilang Tibay ng Pusong Pilipino shirt sa MTV at maaari itong bilhin.
Ang kikitain sa naturang proyekto ay mapupunta para sa mga biktima ng bagyong "Yolanda." -- FRJimenez, GMA News