Gladys Reyes, gustong makasama sa talk show si Angelu De Leon
Inihayag ng Kapuso actress na si Gladys de Leon ang pangarap niyang magkaroon ng sariling talk show sa GMA Network kasama ang kaibigan na si Angelu de Leon.
Sina Gladys at Angelu ay magkasama ngayon sa GMA afternoon series na "Pyra: Babaeng Apoy" na nakatakdang magwakas na ngayon Biyernes, ayon sa ulat ng GMA news "Unang Balita."
Sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP), sinabi ni Gladys na nais niyang maging katulad ng talk show na "Sis" ang programang pagsasamahan nila ni Angelu kung mabibigyan siya ng programa.
Dagdag pa ni Gladys, masaya siya na muli silang nagkasama ni Angelu sa proyekto dahil ang huli nilang pinagsamahan ay ang seryeng Ikaw Sana noong 1997 pa.
Kabilang si Gladys sa mga personalidad na mabibigyan ng "star" sa Walk of Fame Philippines sa December 1. -- FRJ, GMA News