Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Pagbangon,' awit ng pag-asa at pagkakaisa ng mga Pilipino


Aminado si Julie Anne San Jose na matinding emosyon ang kaniyang naramdaman nang irecord ang awiting "Pagbangon," na alay niya sa katatagan at pagkakaisa ng mga Pilipino para malampasan ang mabibigat na pagsubok at trahedya.



Sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Julie Anne kay Nelson Canlas, na umaasa siya na ang kaniyang awitin ay makapagbibigay ng lakas at tapang sa mga nasalanta ng kalamidad para makabangon sa kanilang pinagdadaanan ngayon.

Nais din ng naturang awitin na isinulat ni Edward Mitra, na himukin ang bawat Pilipino na tumulong sa mga nasalanta ng kalamidad.

Malaking karangalan daw para kay Julie Anne na makapaghatid ng pag-asa sa pamamagitan ng musika.

Dagdag pa ng Kapuso young star, wala siyang kamag-anak sa Visayas region pero marami siyang kaibigan doon. Matinding takot at awa umano ang kaniyang naramdaman nang mapanood ang mga balita tungkol sa pinsalang idinulot ng bagyong Yolanda. -- FRJImenez, GMA News

Tags: yolandaaid