Barbie Forteza at Krystal Reyes sa special episode ng Magpakailanman present: 'Kambal Na Sapi'
Abangan ngayong Sabado sa Magpakailanman ang nakagigimbal na kuwento tungkol sa kambal na ayaw umanong lubayan ng isang multong punung-puno ng galit.
Sa isang espesyal na pagtatanghal ng Magpakailanman ngayong Sabado, handog ni Tita Mel Tiangco ang nakapangingilabot na kuwento ng kambal na sina Christine at Lourdes -- ang kambal na sinapian at ayaw lubayan ng isang multong punung-puno ng galit.
Ito nga kaya ay isang kababalaghan o usapin lamang ng kalusugan gaya ng paniwala ng duktor na may epilepsy lamang ang magkapatid.
Ang "Kambal Na Sapi" ay mula sa panulat ni Jules Katanyag, at pananaliksik nina Rodney Junio at Georis Tuca. Ito ay sa direksyon ng kilalang horror writer na si Topel Lee.
Itinatampok sa "Kambal Na Sapi" sina Barbie Forteza at Krystal Reyes. Kasama rin sina Roi Vinzon, Neil Ryan Sese, Sharmaine Arnaiz, Irma Adlawan, Lou Veloso, at Gwen Zamora.
Alamin ang kanilang kuwento at kung ano ang sinapit ng kambal ngayong Sabado sa Magpakailanman, pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko! -- FRJ, GMA News