Filtered By: Showbiz
Showbiz

Celebrities, nakaisa sa panawagan tulungan ang mga biktima ng lindol sa Bohol at Cebu


Nanawagan ang ilang Kapuso celebrities na tulungan ang mga kababayan na matinding naapektuhan ng nakaraang lindol sa Bohol at Cebu. Si Cesar Montano, naghahanda ng isang fund raising musican event para sa kaniyang mga kababayan sa Bohol.

"Lungkot na lungkot ako. Alam ko kasi kung gaano kahirap ang Bohol lalo na doon sa mga biktima na nandoon sa interior Bohol," pahayag ni Cesar sa ulat ng GMA showbiz talk show Startalk nitong Sabado.

"Ako durog na durog ang puso ko dahil alam ko kung gaano ngayon sila kahirap at kaapektado," dagdag pa ng aktor na tubong Baclayon, Bohol, isa sa mga lugar sa lalawigan na napinsala ng lindol.



Ayon kay Cesar, ilang mang-aawit, celebrities at sponsor na rin ang nagpahayag ng suporta sa itinatayod niyang fund raising event.  Kabilang umano sa mga ito sina Ogie Alcasid at Noel Cabangon.

"Sa lahat ng mga kapatid ko sa industriya, sa mga kasama ko po, mga kaibigan sa industriya, tulungan niyo po akong itayo, itindig po, simulan po ang fund raiser na ito para po sa Bohol, One Bohol, para matulungan natin ang mga biktima," pakiusap ng batikang aktor.

Bukod sa Bohol, matindi rin ang pinsala na tinamo ng Cebu sa lindol.

Kaya naman ang mga celebrities na dito nagmula o may kamag-anak sa nabanggit na lalawigan -- kabilang sina Jennylyn Mercado, Dulce, Diva Montelaba at Pilita Corrales, nakiusap din sa publiko na magkaloob ng kanilang maitutulong.

Bukod sa pagtulong, sinabi ni Ms Pilita, na dapat maging eye opener sa lahat lalo na sa mga nakatira sa Metro Manila ang naganap na lindol upang maging laging handa. -- FRJimenez, GMA News