Filtered By: Showbiz
Showbiz

Freddie Aguilar on 16-year-old girlfriend: 'Wala po akong inaagrabyadong tao'


Sa darating na Sabado, limang buwan na ang relasyon ng kilalang singer na si Ka Freddie Aguilar, 60, sa kasintahan nitong 16 na taong gulang na dalaga.
 
Ayon sa legendary folk singer, na-in love siya sa nobyang pinangalanan niyang Jovy sa unang pagkakataon pa lang na nakita niya ang dalaga habang tumutugtog siya sa isang show sa Oriental Mindoro.
 
“Na-in love na po ako noong nakita ko siya for the first time sa Mindoro. Talagang na-in love na ako sa kanya tapos akala ko hindi na kami magkikita ulit,” ani Ka Freddie sa isang panayam sa programang “Unang Hirit” ng GMA News nitong Biyernes.
 
“After the show, nakita ko siya at nagpa-picture siya sa akin. ‘Yon na yung pagkakataon ko para maibigay yung card sa kanya. [Talagang] split second lang kasi maraming nagpapa-picture kaya I made it a point na maibigay ko ang card ko sa kanya,” dagdag pa niya.

 
Dagdag pa ng mang-aawit na nasa likod ng kantang "Anak," halos isang dekada siyang walang pormal na relasyon bago dumating sa buhay niya si Jovy.
 
“Ngayon lang po ako nagkaroon ng seryosong relasyon sa loob ng 12 or 14 years. Pasama-sama lang po ako sa agos,” sambit niya.
 
Nitong nakaraang Linggo, inamin ni Freddie sa showbiz press na nobya niya ang dalagita matapos niyang tanggapin ang Lifetime Achievement Award mula sa 5th Star Awards for Music.
 
Hindi rin daw nalaman kaagad ni Freddie na menor de edad si Jovy, at natuklasan niyang 16-anyos lamang ito nang kasintahan na niya. Kaya naman daw kaagad niyang sinabi sa dalaga na ipakilala siya sa mga magulang nito.
 
“Noong makilala ko siya sa Mindoro, I thought she was around 20, 21 [years old] kasi medyo matangkad siya, mature looking siya. Kaya lang noong malaman ko na 16 (anyos)  siya, kami na,” paliwanag niya.
 
Tinanggap naman daw ng mga magulang ng dalaga ang relasyon ng dalawa.

Ayon kay Freddie, kamakailan nga lang daw ay bumisita ang nanay ni Jovy sa kanilang bahay sa North Fairview. Plano rin umano nilang bumisita sa Mindoro sa mga susunod na araw.

Sa bahagi naman ng pamilya Aguilar, sinabi ni Ka Freddie na tanggap din ng kanyang mga anak si Jovy kahit pa mas matatanda ang mga ito kaysa sa dalaga.
 
“Ang mga anak ko naman, ever since na mahiwalay ako sa nanay nila, they’ve always supported me. In fact, sa akin nga sila nakatira. Kasi very close kami sa mga anak namin. Pinalaki namin yung mga anak namin na malawak 'yung pag-iisip,” aniya.
 
Nitong Huwebes lamang sa isang post sa Facebook, ipinagtanggol ni Maegan Aguilar ang kanyang ama sa mga taong humahamak dito dahil sa pakikipagrelasyon sa isang menor de edad.
 
Samantala, halo-halo naman ang mga naging puna at komento ng netizens sa pakikipagrelasyon ng legendary folk singer sa isang menor de edad. 
 
Ngunit walang komento o reaksyon mula sa publiko ang makakapigil sa relasyon nina Ka Freddie at Jovy.
 
“Kaya nga po ako nagpaunlak na magpa-interbyu para maintindihan po nila [publiko] na hindi ko po mapipigil ang puso ko kung iibig po ako sa isang tao. Wala naman pong nakalagay sa batas na hindi ka pwedeng umibig kung mas bata sa iyo o mas matanda sa iyo, o mas mahirap sa iyo, o mas mayaman sa iyo… wala naman pong ganoon ang pag-ibig,” paliwanag nito.
 
“Basta ako po, mahal ko po si Jovy at wala po akong inaagrabyadong tao,” dagdag pa niya.
 
Ayon pa kay Ka Freddie, handa siyang pakasalan si Jovy kapag tumuntong na ang dalaga sa edad na 18.
 
“Ganun ang plano namin ni Jovy. Pinag-uusapan namin na ‘pag dumating yung tamang time magpapakasal po kami, siguro mga two years from now pa po siguro,” aniya.
 
“Bahala na po ang Diyos kung ano’ng mangyayari sa relasyon namin. Basta sa ngayon po, nagmamahalan po kaming dalawa ni Jovy,” deklara ni Freddie. -- RRDinglasan/FRJ, GMA News