Filtered By: Showbiz
Showbiz

Megan Young, magiging busy sa mga makabuluhang gawain habang nasa Pilipinas


Sa kaniyang pagbabalik sa bansa mula sa London, magiging abala si 2013 Miss World Megan Young sa ilang makabuluhang gawain.
 
Sa panayam nina Mike Enriquez at Vicky Morales sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes ng gabi, nabanggit ng 23-anyos na beauty queen na nakatakda siyang bumisita sa Tuloy Foundation sa Alabang, Muntinlupa City.
 
"Isa po itong foundation kung saan binigyan niya [Tuloy Foundation] ng bahay [at] ng paaralan ang mga street children. So, 'yan po ang inaatupag po namin dito ngayon sa homecoming namin," pahayag ni Megan.

Basahin: 2013 Miss World Megan Young, nakabalik na sa bansa
 
Magtutungo rin si Megan sa ward ng Philippine General Hospital upang magpaabot doon ng tulong.
 
"We will also be visiting that because we have something special for them and as well as to Tuloy Foundation," ani Megan. 
 
Bukod pa rito, magtutungo rin ang kauna-unahang Pinay Miss World title holder sa Olongapo, Zambales, ang lugar kung saan ito lumaki, upang bisitahin ang kaniyang mga kababayan at magpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
 
Inalam naman ng mga news anchor kung ano ang ibig ipakahulungan ni Megan sa nabanggit niya sa kompetisyon na hangad niyang maging "Best Miss World."
 
"In everything you do, you exert your 100% effort and your heart, your soul, and all the hard work that you put into, it's there. It's not 50%, it's not holding back anything, it's just giving my all through out this year," paliwanag ni Megan. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News