Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ruru Madrid on being one of busiest Kapuso stars: 'Wala naman akong reklamo'


Buong linggo nang napapanood sa TV ang Kapuso young actor at produkto ng "Protégé: The Battle For The Big Artista Break" na si Ruru Madrid.
 
Sunud-sunod ang mga magagandang projects ni Ruru pagkatapos niyang magsimula sa Paroa, Ang Kuwento Ni Mariposa.
 
Lumalabas na mas busy pa siya sa nanalo sa Protégé na si Jeric Gonzales.
 
Bukod sa primetime series na "Akin Pa Rin Ang Bukas", meron ding weekly series si Ruru—ang teen suspense series na Dormitoryo, kunsaan ka-love triangle niya sina Lauren Young at Enzo Pineda.
 
Pagdating naman ng Linggo ay kasama siyang nagpe-perform sa Team Tweethearts ng Sunday All Stars.
 
Kahit na nga buong linggo ang trabaho ni Ruru at wala itong masyadong pahinga, wala raw siyang reklamo.
 
Malaking tulong raw ang mga trabaho niya para sa pamilya at sa kanilang family business.
 
“Natutuwa naman po ako na the whole week na pala akong napapanood. Halos araw-araw po ay may trabaho tayo.
 
“Wala naman akong reklamo dahil ito ang gusto kong gawin, at nakakatulong ako sa pamilya ko.
 
“Nagpapasalamat ako sa GMA-7 dahil sa tuluy-tuloy na pagsuporta nila sa akin.
 
“Pinapirma nga po nila ako ng kontrata, at sobra akong masaya kasi nagtiwala po sila sa atin.
 
“Kaya hindi tayo puwedeng magreklamo sa mga sunud-sunod na blessings na dumarating.
 
"Panay lang ang pasasalamat ko,” ngiti pa ni Ruru nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa GMA Annex Building kamakailan.
 
GOOD REVIEWS FOR INDIE FILM. Hindi lang sa TV busy si Ruru, kundi pati na rin sa paggawa ng pelikula.
 
Magaganda ang mga reviews na nakuha ni Ruru sa pagganap nito sa indie film ni Maryo J. Delos Reyes, ang "Bamboo Flowers", na isa sa entries ng kakatapos lang na Sineng Pambansa National Film Festival.
 
Meron siyang natapos na isa pang indie film, ang "Above The Clouds," na idinirek ni Jose “Pepe” Diokno, na nakakuha na ng international award for directing at apo ng yumaong magiting na Senador Pepe Diokno.
 
“Proud po ako sa mga nagawa kong mga movies," sabi ni Ruru.
 
“Yung Bamboo Flowers, talagang inalagaan po ako ni Direk Maryo.
 
“Marami akong eksenang umiiyak doon. Mababaw naman po ang luha ko, pero ayaw ni Direk Maryo na basta ka lang iiyak.
 
“May maganda raw pong paraan para umiyak, para maganda siyang panoorin sa pelikula.
 
“Marami akong natutunan sa paggawa ko ng Bamboo Flowers. Bilang first movie ko, hindi ko makakalimutan ang experience ko sa movie na iyon,” kuwento ni Ruru.
 
Ipinagmamalaki naman ni Ruru ang pagkakasama niya sa cast ng "Above The Clouds."
 
“Iba naman ang experience ko making 'Above The Clouds,' kunsaan nakasama ko si Mr. Pepe Smith at dinirek nga ni Pepe Diokno.
 
“One month po kaming nag-shoot sa Mount Pulag in Benguet.
 
“Ang ganda po ng mga nakunan naming mga eksena roon. Hindi ko pa alam kung kelan siya ipapalabas.
 
“Sabi ni Direk Pepe, baka next year pa kasi gusto niya na maganda ang kalabasan ng buong movie.
 
“Nasa plano rin ni Direk Pepe na isali sa mga international film festivals yung movie.
 
“Mas maganda po iyon, di ba? Maipagmamalaki pa natin sa ibang bansa ang ganda ng Pilipinas."
 
SURPASSING JERIC? Dahil sa magkakasunod na mga projects ni Ruru, marami ang nagsasabing mas sikat pa siya ngayon kesa sa male winner ng Protégé na si Jeric Gonzales.
 
Ang ginagawa lang ni Jeric sa ngayon ay ang afternoon series na "Pyra: Babaeng Apoy."
 
“Hindi naman po. Magkakaibigan kami ni Jeric.
 
“Kami po lahat sa Protégé, nagtutulungan kami. 'Tsaka masaya kami kapag may bagong trabaho ang isa sa amin.
 
“Busy naman po si Jeric. Nakakatatlong shows na po siya.
 
“May kanya-kanya kaming mga trabaho, at happy kami sa nangyayari sa careers namin ngayon,” pagpuri ni Ruru sa kaibigan. – Pep.ph 
 
Tags: rurumadrid