Mga anak nila ni Cesar Montano, nakuha na ni Sunshine Cruz -- Atty. Alentajan
Matapos magharap sa Quezon City court nitong Huwebes ng umaga, sinabing nakuha na ni Sunshine Cruz ang mga anak nito na ilang linggong nasa kostudiya ng kanyang estranged husband na si Cesar Montano. Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Atty. Bonifacio Alentajan, abogado ni Sunshine, na naisama na ng kaniyang kliyente ang mga anak nito matapos ang pagdinig. "Naayos na, sumama na nga pauwi sa kanya ang mga anak niya e, 'di naayos niya," ayon kay Alentajan na ninong din ng mag-asawa sa kasal. "Maayos sila 'di na sila nag-aaway, wala nang bakbakan." Unang nagharap sina Sunshine at Cesar sa pagdinig sa petisyon na permanent protection order (PPO) na hiniling sa korte ng aktres laban sa kaniyang asawa. Dito ay inatasan umano ng korte ang magkabilang panig na magsumite ng kani-kanilang posisyon bago gawin ang clarificatory hearing na itinakda sa Setyembre 2. Matapos ang pagdinig sa PPO, sumunod na pinuntahan ng mag-asawa ang sala kung saan naman dinidinig ang petisyon na habeas corpus na inihain ni Sunshine para ilabas ni Cesar ang tatlo nilang anak. Una rito, inakusahan ni Sunshine na hindi ibinalik sa kanya ni Cesar ang kanilang mga anak mula pa noong July 29. Matapos silang kausapin ng hukom, masaya at magkasamang lumabas ng korte sina Cesar at Sunshine. Dahil sa gag order ng korte, tumangging idetalye ng mag-asawa ang napag-usapan nila kasama ang hukom. " Nagpapasalamat po kami dahil mabuti yung judge na napuntahan," ayon kay Cesar. "Pareho kaming masaya," matipid na pahayag ni Sunshine. Sa kabila nito, itutuloy pa rin umano ni Sunshine ang kasong Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004, na isinampa niya kay Cesar. Nitong Martes, inakusahan ni Sunshine na inabuso at sinasaktan siya ng asawa, bagay na itinanggi naman ni Cesar. -- FRJimenez, GMA News