Ang kwento ni 'Mando' na binigyan-buhay ni Dingdong Dantes sa 'Dance of the Steel Bars'
Maraming "first" na karanasan ang Kapuso leading man na si Dingdong Dantes sa kanyang pagganap bilang si "Mando" sa kanyang kauna-unahang indie film na "Dance of the Steel Bars." "Maraming first para sa akin dito. First indie movie ko siya, unang beses na gagawa ako ng pelikula na may attempt to bring it to the international market," pahayag ni Dingdong sa movie premiere ng "Dance of the Steel Bars" na idinaos sa SM Megamall, Pasig City nitong Lunes ng gabi. "First time na may ganitong klaseng role na nasa loob ng kulungan... isang preso na sasabak sa sayawan. Maraming first that's why it's so special to me," dagdag niya. Hinihintay na lamang umano ng aktor ang kumpirmasyon sa naturang balita mula sa mga producers ng pelikula, ang Portfolio Films at GMA Films. "Malaking bagay po para sa amin 'yon at para sa atin. Dahil sa totoo lang naman, sumikat sila (Cebu dancing inmates) sa Youtube dahil sa ginagawa nila at nakilala sa buong mundo. Kaya nga nagpapasalamat ako na may mga producer katulad ng Portfolio Films at nandiyan din ang GMA Films para mapromote ang mga ganitong klaseng pelikula," dagdag ng aktor. Ang karakter ni Dingdong na si Mando, ay isang dance instructor na nakulong dahil sa kasong homicide matapos na aksidente niyang mapaslang ang kanyang baklang dance partner na may malisyosong intensyon sa kanya. Bagaman hindi gay themed ang naturang pelikula, ipinakita sa karakter ni Mando na ang pagsasayaw ay maaari rin sa mga tunay na lalaki at hindi lamang para sa mga babae at bakla. Isa sa mga highlight ng pelikula ay ang Tango dance number nina Mando at Alona, na ginampanan naman ng theater actor na si Joey Paras. Si Alona ay isang baklang preso na nakulong dahil sa kasong estafa at magiging matalik na kaibigan ni Mando sa loob ng kulungan. "'Yan ang isa sa mga paborito kong scenes, actually ang pinakamahirap na ginawa ko sa film. Kami ni Joey we rehearsed it for days at kahit na nung shi-noot [shoot] namin siya, eh, ginawa namin ng paulit-ulit and it was one of the scenes na shi-noot ko nung first day ko," kwento niya. Ang tango, bilang isang senswal na partner dance, ay itinanghal sa gitnang bahagi ng pelikula kung saan pinatunayan ni Mando sa kanyang kaibigang dayuhan na si Frank na ang pagsasayaw ay hindi lamang limitado para sa kababaihan at mga bakla. Ang dayuhang bilanggo na si Frank Ang pelikulang "Dance of the Steel Bars," na idinirek nina Cesar Apolinario at Marnie Manicad, ay tungkol din kay Frank, isang Amerikanong nakulong dahil sa isang krimen na hindi naman niya ginawa. Ang karakter ni Frank ay ginampanan ng Hollywood actor na si Patrick Bergin, na limitado lang ang araw ng pananatili sa bansa at shoot sa loob mismo ng piitan sa Cebu. "Everyone was on their toes... Lahat talagang ibinigay nila lahat ng kaya nila. Walang nagre-relax-relax. Alam nilang under time pressure, alam nila ang kailangang tapusin so, we delivered," kwento ani Dingdong sa pagkuha ng mga eksenang kasama si Patrick. Sa naturang panahon, sumabak sa immersion ang mga bidang karakter kasama ang Cebu inmates, na sumikat sa Youtube video nang sayawin nila nang sabay-sabay ang "Thriller" song ni Michael Jackson. "Sobrang ayos ng sistema doon sa kulungan nila. Ang linis, ang ganda ng mga patakaran nila so, hindi kami nahirapan noong nag-shoot kami, everyone was cooperative, ni isang problema hindi kami nagkaroon," patuloy ni Dingdong. Ipinakita sa unang bahagi ng pelikula ang hindi magandang pamamahala ng deputy warden sa loob ng kulungan na uhaw sa kapangyarihan. Ngunit magbabago ang lahat sa pagdating ng bagong warden na si Rodrigo Yumul na binigyang buhay ni Ricky Davao. "Magandang ipalabas sa ibang bansa at sa mas maraming tao para malaman nila yung istorya ng mga preso sa loob, at hindi hadlang ang preso o ang steel bars para sa pagbabago. Kung nagawa nila yung simpleng bagay na pagsasayaw, marami sila ibang bagay na mararating," paliwanag ni Dingdong. Mapapanood ang Dance of the Steel Bars ngayong June 12, 2013 sa mga piling sinehan sa bansa. -- MMacapendeg/FRJ, GMA News