Charice mom na si Raquel, kinumpirma na dati siyang tomboy; hindi raw kailangan humingi ng tawad sa kanya ang anak
Ang pagiging dating lesbian ang isa sa mga dahilan kaya naunawaan umano ni Raquel Pempengco ang pag-amin ng anak na si Charice na isa siyang tomboy. Ginawa ni Raquel ang pag-amin sa ipinatawag nitong press conference sa Marikina nitong Biyernes, ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa Balitanghali. Sinabi ni Gng. Pempengco na tanggap niya ang pagiging lesbian ni Charice pero hindi umano ang pakikipagrelasyon nito kay Allysa Quijano. Bago siya magkaanak, sinabi ng ina ni Charice na dati rin siyang tomboy pero mas pinili niyang magkaroon ng sariling pamilya kaysa sa kanyang sexual preference. Noon pa man daw ay napapansin na nila ang pagiging tomboy si Charice. At mula nang maging 18-anyos ito ay hindi na raw niya pinakialaman. Pero sa ngayon, sinabi ni Gng. Pempengco na tila hindi na raw niya kilala ang anak. Sakabila ng lahat, binigyan-diin niya na mahal na mahal niya ang anak at wala raw itong dapat ihingi ng tawad sa kanya. Umaasa sila na maalala raw muli ni Charice ang mga pinagdaanan nilang mga pagsubok noon na magkakasama ang kanilang pamilya. Una rito, iniulat sa Philippine Entertainment Portal (PEP) na ikinuwento ng 66-anyos na lola ni Charice na si Tess Relucio, ang pagiging dating tomboy ng kanyang anak na si Raquel. Ipinaliwanag din niya kung bakit tutol ang kanilang pamilya sa napapabalitang nobya ni Charice na si kay Allysa. "Nasasaktan ang mommy mo kasi napakasakit sa isang ina na nakita niya kung papa'no ka laitin ng pamilya ni Alyssa Quijano, tapos ngayon sila pa ang binubuhay mo. "Anak, maawa ka sa sarili mo,” pahayag ni lola Tess sa PEP. Idinagdag ni lola Tess na noon man ay tomboy din ang anak niyang si Raquel pero nakinig daw ito sa kanya nang hilingin niya na mag-asawa at magkaroon ng pamilya. - FRJimenez, GMA News