Filtered By: Showbiz
Showbiz

National Artist at film director na si Eddie Romero, pumanaw na


Pumanaw na nitong Martes ng gabi ang 88-anyos na film director at National Artist na si Eddie Romero, ayon sa isang opisyal ng National Commission for Culture and Arts (NCCA). Sa panayam sa telepono ng GMA News, sinabi ni April Pabon, NCAA Coordinator for National Artists, nakitaan umano ng blood clot sa kaliwang bahagi ng utak si Romero nang isailalim sa MRI.   Sinabing pabalik-balik sa ospital ang batikang direktor nitong nakaraang buwan hanggang sa ma-comatose  ito sa ospital at tuluyang binawian ng buhay. Ayon kay Pabon, plano ng pamilya ni Romero na ilagak ang mga labi nito sa Mt Carmel Chapel sa New Manila. Nahirang na National Artist for Cinema and Broadcast Arts si Romero noong 2003. Ilan sa mga pelikulang ginawa niya ay ang klasikong "Ganito Kami Noon... Paano Kayo Ngayon?",  “Agila”, “Banta ng Kahapon” at “Kamakalawa”.   Ang  pelikulang "Ang Kamay ng Diyos" noong 1947 ang kauna-unahang pelikula na kanyang idinerek, habang ang "Faces Of Love" noong 2006 ang huli. Noong 2012, inilipat ni Romero sa NCCA bilang donasyon ang karapatan ng kanyang pelikulang "Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon."  -- FRJ, GMA News 

Tags: eddieromero,