Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bella Flores, unang artista na inihimlay sa 'Hardin ng mga Bituin' sa Bulacan


Inihatid na sa kanyang huling hantungan nitong Huwebes ng umaga ang batikang character actress na si Bella Flores sa sementeryo sa San Jose, Bulacan na ang bahagi ay tatawaging "Hardin ng mga Bituin." Sa ulat ni GMA news reporter Aubrey Carampel sa "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing dinaluhan ng mga kamag-anak at kaibigan ng pamilya ang paghahatid kay Bella sa huling hantungan. Dakong 8:00 a.m. nang umalis ang funeral convoy ng mga labi ni Bella sa Loyola Memorial chapel sa Commonwealth Ave. Quezon City,  na dumiretso sa Grotto Shrine sa Bulacan kung saan ginawa ang hiling misa para sa namayapang aktres. Nagpasalamat ang anak ni Bella na si Ruby Arcilla sa lahat ng tumulong at nakiramay sa kanila mula pa nang magkasakit ang ina. Kabilang din sa mga nakipaglibing ay ang singer na si Imelda Papin na naging katuwang sa paghahanda sa paglilibingan ni Bella sa Bulacan. Inilibing si Bella sa isang bahagi ng sementeryo na tatawaging "Hardin ng mga Bituin" kung saan maaaring ilibing ang mga mamamayapang artista. - FRJ, GMA News

Tags: bellaflores