Aubrey Carampel, aksidenteng napasali sa isang contest ng GMA kaya naging showbiz reporter
Asawa, ina, at career woman— iyan ang tatlong papel na ginagampanan ngayon ng senior news correspondent ng GMA na si Aubrey Carampel. Ngunit bago niya nakamit ang tagumpay sa napilang career bilang mamahayag, maraming pagsubok na pinagdaanan ang kanyang pamilya tulad ng pangungutang ng "five-six" upang makapagtapos siya ng pag-aaral. Sa nakaraang episode ng "Powerhouse" ni Tita Mel Tiangco, ikinuwento ni Aubrey kung papaano nagbago ang kanilang buhay mula nang bumalik sa bansa ang kanilang ama matapos itong magtrabaho sa Japan. "Noong bata naman kami, okay naman. Yung daddy ko nasa Japan, nakapagpundar yung mommy ko, ganyan, nakakabili naman kami ng gusto namin. Kaso yung time na umuwi na yung daddy ko, doon na yung... wala silang trabaho pareho, naubos na 'yong ipon," paglalahad niya. Dahil dito, naranasan ng showbiz reporter na magtuhog ng barbeque na ibebenta naman ng kanyang ina para mabuhay silang anim na magkakapid. "Ngayon nga hindi ko rin nga lubos maisip kung paano nagawa ng nanay at tatay ko 'yon na wala naman sila parehong trabaho no'n, at umuupa kami ng bahay," saad ni Aubrey. Hindi rin niya napigilan na maging emosyonal nang inalala ang paghihirap ng kanyang pamilya habang nasa kolehiyo siya. "May time pa nga, naalala ko, kasi lahat kami pumapasok, college na ako. Bente pesos na lang natira sa wallet ng nanay ko. Sabi niya, 'Anak, ito na lang, eh.' Sabi ko, 'o sige, kahit pamasahe na lang, mommy, okay lang basta makarating lang ako sa eskwelahan," kwento niya kay Tita Mel. Five-six Pagbibiro pa niya sa panayam, "[Sa] Totoo lang, hindi mommy ko nagpa-graduate sa'kin... bumbay." Nangungutang di-umano ang ina nito upang mabayaran ang kanyang matrikula at makapagtapos siya kolehiyo. Sa College of the Holy Spirit, isang exclusive girl's school, nag-aral si Aubrey, kung saan nakapagtapos siya sa kursong Communication Arts. Kwento ni Aubrey, dahil sa kanyang malakas na boses at kadaldalan noong kabataan niya, napansin ng mga kaklase nito ang kanyang potensiyal na maging isang mamamahayag. "So inisip ko lang dati, siguro nga pwede ako maging newscaster, why not? Pero sabi ko, parang ang taas naman ng pangarap na 'yon. Parang hindi ko kayang abutin. Parang 'yon ang nasa isip ko," sambit niya. Pagkatapos niya sa kolehiyo, naunang nagtrabaho si Aubrey bilang collections officer sa bangko at nagtrabaho rin ito bilang call center agent. Sa kanyang unang sweldo, sapatos agad ang unang binili ni Aubrey. Hilig sa sapatos "Hindi po kasi ako binibilhan ng sapatos dati o kaya dahil pangalawa ako, ang nakukuha ko palagi hand me down," ani Aubrey. Dahil hindi nakakabili ng sariling sapatos noon si Aubrey, nangako ito sa sarili na pagtanda niya ay mamimili siya ng maraming sapatos. Kaya naman sa kanyang silid ngayon, makikita ang maraming sapatos ng showbiz reporter. Kwento pa niya, "So pagdating sa'kin lumang-luma na, one time elementary no'n, nakanganga na 'yong sapatos ko." "Nakita ng teacher ko, [sabi niya] 'ano ba naman 'yang sapatos mo, nakanga-nga na.' Hindi ako maka-imik kasi hindi ko naman pwedeng sagutin 'yong teacher ko. Inano ko na lang na paglaki ko, darating ang araw na makakabili ako ng maraming sapatos," dagdag niya. May trabaho ka! Napanood ni Aubrey sa telebisyon na naghahanap ng showbiz correspondent ang GMA News at dito niya sinubukan kung makakapasok siya. Nagpunta ito sa GMA Network upang magpasa ng resume ngunit mali pala ang box na pinaghulugan niya. Kaya naman, unang nakilala si Aubrey sa reality show ng QTV show na "May Trabaho Ka!" kung saan sina Mariz Umali at Paolo Abrera ang mga host. Kwento pa niya, "Parang ayaw ko, ayaw ko. Kasama ko ate ko no'n. Sabi ng Ate ko, 'nag-leave ka na, nag-absent ka na sa trabaho. Nandito na tayo ngayon ka pa ba aatras? Sabi ko, 'oo nga, 'no? Sige kakaririn ko na 'to." At dahil natural na biba si Aubrey, siya ang itinanghal na panalo sa nasabing palabas. Dahil din dito, sinuwerte siya at naging daan din na pasukin ang mundo ng pamamahayag. Bagaman nahirapan noong una, nagpursige si Aubrey na makayanan at gawing madali para sa kanya ang trabaho. Isang asawa at ina Noong 2011, ikinasal si Aubrey kay Errol na 10 taon niyang naging nobyo. "'Pag may nakita kang tao, unang kita mo pa lang, feeling mo magiging parte ng buhay mo. Gano'n agad," saad ni Aubrey. Nagkakilala sila sa Youth for Christ Ministry kung saan isang youth leader si Errol. At inamin din nito na siya ang sumuyo sa kanyang asawa sa pamamagitan ng libreng movie tickets. "For the longest time, wala naman akong boyfriend. Humingi ako ng sign kay Lord, ang unang magbigay sa'kin ng red rose, Lord, heto na 'yon," kwento nito. Sa pag-ikot ng tadhana, habang kumakain sila sa isang restaurant pagkatapos ng pelikula, may nagbebenta ng pulang rosas kay Errol. Kwento ni Aubrey, "Bumili si Errol, tatlo, pero hindi niya binigay sa'kin nilagay niya lang diyan [sa table]... Pauwi na, nakatingin ako sa red roses na nandoon sa kotse... 'Gusto mo ba ng bulaklak?' [Tanong ni Errol.] Hindi ako kumikibo. [Sabi niya,] o sige na nga, sa'yo na. Parang ako, Lord, this is it!" Makalipas ang isang taon mula nang magpakasal, isinilang ni Aubrey ang kanilang panganap na si Ambriel Ethan. "Nag-iba po 'yong priorities siguro 'pag may anak. Parang ito 'yong greatest fulfilment at greatest gift din mula sa Diyos na natanggap ko," ayon sa batikang showbiz reporter ng GMA. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News