Trahedya at kalamidad sa pagtatapos ng first pulitika-seryeng 'Bayan Ko,' ngayong Linggo na
Sa darating na Linggo, April 21, magtatapos na ang tinututukang pulitika-seryeng "Bayan Ko," na nagsilbing inspirasyon sa maraming Pilipino na naghahangad na makatagpo ng matinong lider katulad ng karakter ni Mayor Joseph Santiago. Sa pagwawakas ng "Bayan Ko" sa Linggo, mahaharap sa pagsubok ang katatagan ni Mayor Santiago, na ginagampanan ni Rocco Nacino, para matulungan ang kanyang mga kababayan na sinalanta ng matinding pagbaha sa bayan ng Lagros. Nauna nang tinalakay sa serye ang isa sa malaking problema ni Mayor Santiago tungkol sa usapin ng korupsiyon at illegal logging sa kanyang lalawigan na kagagawan ng ilang tiwaling politiko. Asahan na magiging maaksiyon at puno ng drama ang finale ng "Bayan Ko" sa Linggo, at makikita kung may pagbabagong magaganap sa lalawigan ni Mayor Santiago. Book 2? Kasabay nito, masayang ibinalita ni Rocco sa isang interview na mayroong pag-uusap na nagaganap para sa posibilidad na magkaroon ng part two ang "Bayan Ko." "It's going international...at may balita na magkakaroon ng book two ang 'Bayan Ko'," masayang balita ni Rocco. Sa video sharing website na Youtube, umabot na sa mahigit 350,000 views ang pilot episode ng nasabing serye. Ang "Bayan Ko" ay binubuo nina Pen Medina, Ping Medina, LJ Reyes, Mercedes Cabral, Betong Sumaya, Angeli Bayani, at Love Añover. Mapapanood ang finale ng "Bayan Ko" sa GMA News TV channel 11 sa Linggo, April 21, sa ganap na 7:15 p.m. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News