Filtered By: Showbiz
Showbiz

Showbiz reporter Nelson Canlas, ikinuwento ang mga pagsubok na pinagdaanan sa buhay


Lingid sa kaalaman ng marami, may mga pagsubok na pinagdaanan mula sa kanyang kabataan ang showbiz reporter na si Nelson Canlas bago niya narating ang kinalalagyan niya ngayon bilang tagapagbalita ng glamorosong buhay ng mga artista.   Sa episode nitong Martes ng "Powerhouse" ni Mel Tiangco sa GMA News TV, isiniwalat ni Nelson ang kanyang personal na buhay at kung papaano siya napunta sa mundo ng showbiz reporting.   Kwento ni Nelson, nagmula siya sa isang mahirap na pamilya at naranasan nila ng isa niyang kapatid na maghiraman ng iisang sapatos sa pagpasok sa eskwelahan.   "Kaming dalawang magkapatid, naghihiraman kami ng sapatos. When we were in High School, pang-umaga ako [ako muna ang gagamit], panghapon siya [naman]. Magkikita kami sa CR, magpapalit kami ng sapatos. Yung sapatos na hand me down 'yon," pag-amin nito.   Naging problema din umano nila sa pamilya ang pagkakaroon ng lamat sa pagsasama ng kanilang mga magulang na humantong sa pagiging overseas Filipino worker ng kanyang ina.   Para matustusan ang kanilang pag-aaral, nagtrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong ang ina ni Nelson na si Gng. Angelina.  At dahil ang ama lamang ang kasama, natutunan ni Nelson ang maging responsable tulad ng pagluluto, pag-aalaga sa mga kapatid, at pag-aayos ng bahay.   Ipinaalam din niya na naranasan din ng kanyang ina maging biktima ng pagmamaltrato sa ibang bansa.  Ngunit sakabila ng hirap, ayaw bumalik sa Pilipinas ni Gng. Angelina dahil natatakot itong walang mapakain ang kanyang mga anak kapag umuwi ng bansa.   "Parang mga two weeks wala siyang trabaho, kung saan-saan siya natutulog noon until nagkaroon siya ng trabaho. Na-meet niya 'yong isang Amerikanong pamilya, na hanggang ngayon kaibigan niya, siya na ang nagpalaki noong mga anak."   Sa kanyang bagong amo, nakilala ni Gng Angelina ang US citizen na si Steve na nagbabakasyon noon sa Hong Kong. Agad daw itong nabighani sa ina ni Nelson at nag-aya itong magpakasal sila sa Pilipinas.   Ang panibagong lalaki sa buhay ng kanyang ina ang itinuring "source of rebellion" noon ni Nelson.    "I didn't know how to take it na meron akong pangalawang tatay na I was 18, I was very impressionable hanggang twenties na ako hindi ko pa rin matanggap," saad nito.   Matapos magpakasal, nagtungo ang mag-asawa sa Amerika upang doon manirahan. Hindi nagtagal ay sumunod na rin ang ibang nakababatang kapatid ni Nelson sa US maliban sa kanya na inabutan ng legal age.   Dahil dito, naiwan na nag-iisa si Nelson sa Pilipinas na lalong nakadagdag sa kanyang pagrerebelde.   "It was really painful kasi nakikita mo yung mga kapatid mo isa-isang nawawala so nag-rebelde ako non," pagtatapat nito.   Dahil uhaw sa pagkalinga ng pamilya, ibinaling ni Nelson ang kanyang atensyon sa mga barkada. Natutustusan niya ang sarili sa pamamagitan ng ipinapadalang sustento ng ina sa Amerika.   Pinayagan din niyang makitira sa kanyang bahay ang mga kaibigan kaya marami umano siyang nasaksihang mga bisyo. Unang trabaho: Car salesman Pero sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan sa buhay, nakapagtapos si Nelson ng kolehiyo sa kursong Business Administration.   "Matagal 'yon, four years yata 'yon na pinapadalhan ako ng pera. Siyempre 'di ba, susuhulan ako, eh. Ako lang mag-isa dito. She pays for the bills. Perfect ang buhay no'n until sabi ng nanay ko one day, 'If you're going to pay for the bill, you would have to do it yourself,'" kwento ni Nelson.   Pinahanap siya ng ina nito ng trabaho at sinabi pa nitong hindi niya kakausapin ang anak hanggat wala pa siyang nahahanap na trabaho.   Aniya, "Pag nakita mo na ang lahat ng masama, magsasawa ka rin. At saka na-realize ko na tumatanda na ako. Na-realize ko na hindi na pwede parang I want to make my mom proud."   Unang trabaho si Nelson ang pagiging saleman ng kotse ngunit wala raw siyang nabenta. Pagkatapos nito ay nagtrabho siya bilang showbiz writer sa ibang TV network. Subalit hindi siya nagtagal at inalis siya dahil sa puna na hindi raw siya marunong magsulat.   "I thought it was writing good scripts tapos biglang 'sorry hindi ka na pwedeng umattend ng meeting kasi, [sabi sa akin] 'Nelson, let's admit it, hindi ka marunong magsulat. Maybe showbiz is not for you,'" paglalahad niya.   Ngunit ika nga sa kasabihan na kapag nagsara ang isang pinto, may panibagong magbubukas. Pagkaalis niya sa nabanggit na TV network, nakapasok naman siya sa GMA -7 bilang segment producer ng showbiz talkshow na "Startalk." Showbiz 'decoder' At nang magkaroon ng bakante sa mga showbiz reporter, sumabak na sa kamera si Nelson para kumalap ng balita tungkol sa mga artista.   Ayon kay Nelson, "Bawat report ko naman, hanggang ngayon, I'm only as good as my last report. Gusto ko mas maganda, mas bongga, mas expose'. I do not compete with anyone, eh, I  always compete with myself, kung ano yung mas magandang ipapakita ko next time."   Walong taon nang showbiz reporter ni Nelson sa GMA at sa loob ng mga panahong iyon, kilala na siya bilang isa sa mga magagaling na correspondent dahil sa dami ng mga nakukuha nitong scoop sa artista.   Aniya, "Nakakagawa ako ng serious news ngayon at nakakagawa ka ng stories sa 'Brigada' and I enjoy it. But you know, I always go back to showbiz, eh, kasi parang ang tingin ko sa bawat artista parang code, may code sila, I mean you need to decode them."   "Hindi nila ibibigay sa'yo agad, eh. Isa silang malaking puzzle. So kailangan, ako, bilang empleyado ng taong-bayan, ako yung kakausap sa kanila, ako yung magsasabi, ako yung magde-decode. So everytime, yung mga malalaking artista nacha-challenge ako parati sa kanila," dagdag niya.   Ipinagtapat din ni Nelson na marami siyang nakuhang aral sa mga nakatrabaho niya na sina Boy Abunda at Ricky Lo. Pagmamahal sa magulang Gayundin, nang matagpuan na ni Nelson ang kanyang calling o ang tamang trabaho para sa kanya, nagbigay daan na rin ito para mahilom ang sugat na kumikirot sa kanilang pamilya.   "Kitang-kita ko kung paanong proud ang nanay ko sa akin. The only means na nakikita niya ako is by watching Pinoy TV at halos araw-araw nakikita niya ako, masaya na siya [at] everyday tatawag sa'yo. Parang masaya na ako no'n, na I make my mom proud," ayon kay Nelson.   Maging ang ama nito, masasabi ni Nelson na proud sa kanya.   "Dahil hindi niya pinapalampas ang kahit isang report ko. Napatawad ko na si Papa, in fact sabi ko pa sa kanya, alam mo nagpapasalamat ako sa cellphone, sa text, kasi hindi naman kami ma-I love you na pamilya pero sa text nasabi ko," pahayag nito.   Napapanood ang "Powerhouse" tuwing Martes ng gabi sa GMA News TV. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News