May sakit na si Madam Auring, may apela sa mga nang-iinsulto sa kanya
Kasabay ng paghingi ng tulong sa kinakaharap na problema sa kanyang kalusugan, umapela rin ang kilalang showbiz fortune teller na si Madam Auring sa mga nang-iinsulto umano sa kanya. Sa ulat ng Startalk TX nitong Sabado, binisita nila si Madam Auring sa Quezon City General Hospital kung saan siya nakaratay mula pa noong nakaraang linggo. Ayon kay Madam Auring, bigla siyang natumba habang nasa isang mall kung saan siya mayroong puwesto. Mabuti na lamang at nasalo kaagad siya ng kanyang anak kaya hindi siya bumagsak sa semento. Sa ospital, nadiskubre na pagdurugo ng kanyang bituka ang dahilan ng panghihina ng kanyang katawan kaya siya natumba. Pinaniniwalaan na nakaapekto sa kanyang bituka ang matagal na pag-inom niya ng aspirin. Wala pa rin daw katiyakan kung kailan lalabas ng ospital si Madam Auring. Bukod dito, problema niya ang perang ipambabayad sa ospital at sa mga gamot na kailangan niyang bilhin. Ayon kay Madam Auring, siya pa rin ang pangunahing inaasahan ng kanyang pamilya pagdating sa hanapbuhay. "Magiging prangka na ako, ang magiging problema ko talaga ngayon ay pambayad ng ospital, pera talaga at pambili ng gamot," pahayag ng kilalang manghuhula. Hindi rin itinago ni Madam Auring ang kanyang hinanakit sa mga taong nang-iinsulto sa kanyang kalagayan ngayon. "Yung iba nga iniinsulto pa ako, bakit daw manghuhula... bakit hindi ko raw nahulaan na ako'y magkakasakit," ani Madam Auring. "Lahat ng tao nagkakasakit at tandaan niyo 'wag niyo akong insultuhin, ako'y may edad na, ako'y 73... lahat po tayo tandaan niyo ay tatanda, lahat tayo'y mamamatay," dagdag niya. - FRJimenez, GMA News