Sexy actress Ynez Veneracion, nag-aalala sa nadiskubreng mga bukol sa katawan
Hindi maiwasang mabahala ang dating sexy actress na si Ynez Veneracion matapos madiskubre ang mga bukol sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan. Ilan daw sa mga ito, kasing-laki na ng itlog.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes ng gabi, sinabing nagtaping agad sa isang talk show si Ynez matapos ang kanyang operasyon upang alisin ang dalawang bukol sa kanyang pige.
Kasing laki daw ng itlog ang dalawang bukol na natanggal at mayroon pang isa sa kanyang kanang hita na kailangan ding alisin sa susunod na operasyon.
Bukod dito, mayroon din siyang nakapang bukol sa ilalim ng kanyang mata.
"After four o five months kailangan kong bumalik kasi yun naman din daw ang tatangalin (sa pige)," kwento niya.
Nais daw sana niyang isabay na lang ang pag-alis sa bukol sa kanyang hita pero tumanggi ang duktor.
Inamin din ng aktres na hindi niya nakuhang tingnan ang mga bukol na inalis sa kanya baka daw siya himatayin.
Sa ngayon, hindi pa alam ni Ynez kung ano ang dahilan ng pagkakaroon niya ng mga bukol sa katawan.
Isasailalim sa biopsy ang mga nakuhang bukol at nagdarasal ang aktres na sana ay hindi ito senyales ng mas malalalang sakit alang-alang sa kanyang dalawang-taong-gulang na anak.
Minsan na ring isinailalim sa operasyon si Ynez para alisin ang bukol sa kanyang ovary na lumitaw naman na benign. - FRJimenez, GMA News