Angelica Jones, vindicated sa isyu kung sino ang ama ng kanyang anak
Matiwasay na nairaos ng actress-turned-politician na si Angelica Jones ang binyag ng kanyang anak na ipinangalan sa ama nito na isang duktor at lokal na politiko sa San Jose, Batangas. Sa ulat ng Startalk TX nitong Sabado, sinabi ni Angelica na Angelo Timothy Benedict Anday ang pangalan ng kanyang baby. Dala nito ang apelyido ng ama na si Dr. Gerald Anday, na konsehal sa San Jose. Ayon pa sa dating sexy comedienne, sinagot ni Dr. Anday ang gastos sa binyag. Wala man ito sa binyag, mayroon naman daw kinatawan doon ang pamilya ng duktor. Masaya si Angelica dahil kinilala na ng duktor na anak nito ang baby matapos magsagawa ng DNA test. (Basahin: Angelica Jones, 7-months pregnant; inaming may problema sila ng ama ng bata) Umaasa si Angelica na matatapos na ang paninira sa kanila ngayong lumabas na ang katotohanan kung sino ang ama ng bata. Nais niya na ituon nila ang atensiyon sa pagpapalaki sa baby na siyang naging biktima umano ng mga paninira sa kanilang pagmamahalan ng duktor. “Na-realized namin na hindi dapat magpadala sa paninira ng tao, so this time iniisip namin para sa bata, para sa ikabubuti ng bata," anang aktres na board member sa Laguna. “Gusto namin na maging masaya ang bata, nagiging biktima ang bata dito dahil sa mga taong naninira sa aming dalawa," dagdag ni Angelica na natutuwa dahil vindicated siya sa paglabas ng katotohanan sa isyu kung sino ang ama ng bata. Nangako umano ang duktor na magbibigay ng buwanang suporta sa anak nila. Nang tanungin kung magkakabalikan pa ba sila ni Dr. Anday, sinabi ni Angelica na wala siyang galit sa ama ng bata. At kung mayroon man siyang natutunang leksiyon sa pangyayari, ito ay ang pangangailangan na “masaktan para malaman kung papaano maitutuwid ang pagkakamali." - FRJimenez, GMA News