Bagong movie ni Rufa Mae, igigiya ng direktor ng 'Ang Babae Sa Septic Tank'
Matapos ang matagal na pamamahinga sa big screen, magbabalik sa pelikula ang sexy comedienne na si Rufa Mae Quinto. Ayon sa aktres, ang bago niyang pelikula ay pamamahalaan ng premyadong direktor na nasa likod ng hit movie na, 'Ang Babae sa Septic Tank.' Sa ulat ni Luane Dy sa Star Bites ng Balitanghali nitong Martes, sinabi ni Rufa Mae na ang kanyang bagong movie na may working title na "Ang Huling Henya" ay ididirek ni Marlon Rivera, na siya ring direktor na pelikulang "Babae sa Septic Tank" na pinagbidahan ni Eugene Domingo. Hindi muna idinetalye ng aktres ang kuwento ng kanyang bagong movie pero tiniyak niyang kakaibang Rufa Mae ang makikita rito. "Super excited ako. Makikita niyo ako ulit sa big screen alone na puma-fight fight. Kung 'Booba' po ako noon, ngayon 'Henya' na, so serious na. It's a serious film, serious director, serious acting," sambit ng aktres. Para matutukan ng husto ang kanyang bagong proyekto, sinabi ni Rufa Mae na lilimitahan muna niya ang kanyang trabaho tulad ng paglabas sa telebisyon. Matatandaan na humakot ng parangal sa loob at labas ng bansa ang pelikulang 'Ang Babae sa Septic Tank.' Nanalo rin si Eugene ng best actress trophy at best director award si Direk Marlon dahil sa nasabing pelikula. (Basahin: Ang Babae Sa Septic Tank vies for Oscars' Foreign Language Film) -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News