Magkahalong lungkot at kasiyahan ang naganap sa Philippine entertainment industry sa taong 2012. Ilang haligi ng industriya ang namaalam na; at sa kabilang banda, dumagsa naman ang mga international artist na nagpasaya sa kanilang Pinoy fans. Ilang alagad ng sining na nagbigay kasiyahan at karangalan sa bansa ang nagpaalam na-- kabilang dito ang Comedy King ng Philippine showbiz na si Rodolfo "Dolphy" Quizon.
Ilang linggo matapos na maratay sa Makati Medical Center dahil sa sakit, sumuko ang katawan ng 83-anyos na batikang komedyante dulot ng multiple organ failure secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, at acute renal failure. (
Timeline: Dolphy) Pero ang
lumbay sa kanyang paglisan noong July 10 ay nahihigitan ng kasiyahan sa pag-alaala sa maraming taon niyang pagpapasaya sa nagawa niyang mga pelikula at programa sa telebisyon. Nagluksa naman ang music industry noong Marso 13 sa biglaang pagkamatay ng itinuturing isa sa mga
Filipino rock icon na si Karl Roy dahil sa cardiac arrest. Binawian siya ng buhay sa edad na 43.

Karl Roy performs at Rock Aid in 2005. Photo courtesy of Jim Ayson
Unang nakilala si Karl bilang front man ng 1990s alternative rock band na Advent Call na mag-front act para sa American heavy metal band na Metallica noong 1993. Marso kinse naman nang lisanin ng dating matinee idol ng dekada 60 na si
Luiz Gonzales ang mundo dulot ng komplikasyon sa sakit na pneumonia. Nakilala siya sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures kung saan nakatambal niya ang mga artistang sina Gloria Romero at ang yumao na ring si Nida Blanca. Ilan sa mga 'di malilimutang pelikula na kanyang ginawa ay ang
Bumunot Ka't Lumaban (1964),
Despatsadora (1955),
Iginuhit ng Tadhana (1965),
Nagkita si Kerubin at Tulisang Pugot (1954),
Just Married, Do Not Disturb (1972), at
And God Smiled at Me (1972). Maging ang industriya ng pamamahayag ay nawalan din ng itinuturing haligi sa larangan ng broadcasting nang sumakabilang-buhay ang multi-awarded broadcast journalist at dating aktor na si
Angelo Castro, Jr. Sa edad na 67, pumanaw dahil sa sakit na cancer si Castro noong Abril 5. Edad 71 naman nang bawian ng buhay noong Mayo 18 dahil sa komplikasyon sa sakit na diabetes ang dating showbiz columnist, talent manager at konsehan ng Pasay na si
Justo “JJ" Justo. Itinuturing ng mga showbiz journalist na icon si JJ dahil sa husay nito sa pagsusulat at paggamit ng mga gay lingo. Maliban dito, isinulong din niya ang pagkakaroon ng kanlungan ng mga nakatatandang bakla at tomboy na tinawag na Home for the Golden Gays. Itinuturing malaking kawalan naman sa teatro ang pagpanaw ng artistic director ng Gantimpala Theater na si
Tony Espejo noong Hunyo 21 sa edad na 63. Ito'y dulot ng “multiple organ failure secondary to septic shock secondary to hospital acquired pneumonia."
Siya ang nagtatag ng Gantimpala Theater, na dating kilala bilang Bulwagang Gantimpala. Ito ang dating in-house dramatic arts company ng Cultural Center of the Philippines. Taong 2006 nang tanggapin ni Espejo ang Lifetime Achievement award para sa Teatro mula sa Aliw Awards. Kinilala rin siya bilang Outstanding Artist for Golden Years of Service noong 2009. Kasama rin siya sa mga ikinilala sa larangan ng teatro ng National Commission for Culture and the Arts and the International Theater Institute sa Malacañang Palace. Noong 2011, nakatanggap si Espejo ng Natatanging Gawad Buhay award sa ikatlong PHILSTAGE Awards for the Performing Arts. (
Basahin: Showbiz folks pay last respects to Tony Espejo) Tatlong batikang direktor din ang magkakasunod na pumanaw nitong 2012. Ikinagulat ng marami ang biglaang
pagkamatay ng actor-director na si Mario O' Hara dahil sa sakit na leukemia noong Hunyo sa edad na 66. Nakilala si O' Hara sa mga ginawa niyang pelikulang tulad ng “Tatlong Taong Walang Diyos" (1976), “Condemned" (1984), “Bulaklak ng City Jail" (1984), at “Babae sa Breakwater" (2003). Kinilala rin ang husay niya sa screenplay sa mga pelikulang humakot ng award tulad ng “Tinimbang Ka Ngunit Kulang" (1974) at “Insiang" (1976), kung saan ang National Artist for Film na si Lino Brocka ang direktor. Matapos naman ang ilang taong pakikibaka sa cancer, binawian ng buhay noong Oktubre si
Direk Marilou Diaz-Abaya sa edad na 57.
Ilan sa mga obra ni Abaya bilang direktor ay ang de-kalidad na pelikulang "Jose Rizal" (1998), "Karnal" (1983), at "Muro-ami" (1999). Maliban sa kanyang mga pelikula, nakilala rin si Abaya sa kanyang mga palabas telebisyon na "Public Forum," kung saan host ang kolumnistang si Randy David at ang political news satire program na "Sic O' Clock News." Cardiac arrest naman ang naging dahilan ng pagpanaw ng direktor, manunulat at aktor na si
Direk Celso ad Castillo noong Nobyembre sa edad na 69. Kilala ang direktor sa kanyang pelikulang "Nympha" (1971), "Patayin Mo sa Sindak si Barbara" (1974), "Burlesk Queen" (1977), at "Ang Alamat ni Julian Makabayan" (1979).
Celebrity babies Kung may mga lumisan, mayroon din dumating. Sa pamamagitan ng caesarean operation, iniluwal ng TV host na si
Pia Guanio noong Agosto ang una nilang anak ni Steve Mago na si Scarlet Jenine. Matapos magsilang, nag-tweet mismo ni Pia: “At 1255am today, Scarlet Jenine was born. Heavy at 7.8pounds and tall at 20 inches! Thank you Lord for the wonderful gift in our lives!"
Noong Hunyo naman ay isinilang ng Kapuso actress na si Sunshine Dizon ang ikalawang baby nila ni Timothy Tan na pinangalanan nilang Antonio at may palayaw na Ton Ton. Isang taon at dalawang buwan ang pagitan ng panganay at pangalawang anak nila. Matatandaang isinilang ni Sunshine si Doreen Isabel noong April 18, 2011. Ganap na ring ina ang Kapuso sexy star na si Katrina Halili nang magsilang ito ng isang malusog na baby girl noong Setyembre. Ang baby na pinangalang Katrence ay anak ni Katrina sa kanyang boyfriend na si Kris Lawrence. Nang isilang ang baby, hiindi maitago ni Kris ang kanyang kasiyahan na nag-post ng mensahe sa kanyang Twitter account: "Katrence is here!!!! She's the most beautiful thing ive ever seen..." Setyembre rin nang magsilang ng kanyang first baby ang sexy comedian-turned-politician an si Angelica Jones. (
Basahin: Angelica Jones, 7-months pregnant; inaming may problema sila ng ama ng bata) Naging maingay ang pagbubuntis ng komedyana at ngayo’y board member ng Laguna dahil kalagitnaan ng kanyang pagbubuntis ay napabalitang naghiwalay sila ng umano'y ama ng bata na isang pulitiko sa Batangas. Abril naman nang magsilang din ng kanyang first baby ang TV actress na si Janna Dominguez. Ang ama ng bata ay si Mikey Ablan na dating nakarelasyon ng
Starstruck alumna na si Iwa Moto. Mommy na rin ang dating beauty queen na si Precious Lara Quigaman matapos na isilang ang baby boy nila ni Marco Alcaraz noong Nobyembre.
Foreign artists invasion Sa taong ito, halos buwan-buwan ay mayroong malaking foreign artist na nagtanghal sa Pilipinas at pinupuno ang mga concert venue.
Nagsilbing buena-mano si Katy Perry para sa kanyang "California Dreams Tour" concert na ginanap sa SM Mall of Asia Concert Grounds noong Enero. Kaagad naman itong sinundan ni Avril Lavigne na nagdaos ng concert noong Pebrero para sa kanyang 'Black Star Tour" na ginanap sa Araneta Coliseum. Pagsapit ng Hunyo, ang legendary boy bands na
New Kids on the Block at Backstreet Boys ang nagpasiklab sa kanilang Pinoy fans sa kanilang one-night only concert. Dalawang gabi naman ang naging concert sa SM Mall of Asia noong Mayo ng controversial singer na si Stefani Joanne Angelina Germanotta a.k.a. Lady Gaga. (
Basahin:
Lady Gaga's 1st night Manila concert peaceful, but fate of 2nd night hangs)
July din nang punuin ng energy ng mga Pinoy fans o 'Pinoy Barbs' ang Mall Of Asia Arena na nanood ng concert ng International singer-songwriter-rapper na si Nicki Minaj. Masuwerte ang mga “Pinoy Barbs" dahil sa buong Southeast Asia, tanging sa Pilipinas lamang nagtanghal si Nicki para sa kanyang
"Pink Friday World Tour." Pagsapit ng Setyembre, bumungad ang American poprock band Maroon 5 para sa kanilang
"Overexposed World Tour" concert. Ang grupo ay pinangunahan ni Adam Levine, kasama sina James Valentine (rhythm guitar), Mickey Madded (bass), PJ Morton (keyboard), at Matt Flynn (drummer). Setyembre rin nang dumating sa bansa para magkoncert ang mga
American Idol finalist sa pangunguna ng may dugong Pinoy na si
Jessica Sanchez. Hindi rin nagpahuli ang sikat na Korean group Big Bang na nagconcert noong Oktubre sa bansa bilang bahagi ng kanilang 'Alive Galaxy Tour 2012.' Dumating din sa bansa noong Oktubre ang sikat na grupong
Jonas Brothers na binubuo nina Nick, Joe, and Kevin. Dumagundong naman ang MOA nang mag-concert sa unang pagkakataon sa bansa noong Nobyembre si Jennifer Lopez. At nitong Disyembre, magkasunod na nagtanghal sina
String at Sir Elton John sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Naging maingay din ang ginawang shooting sa Pilipinas ng Hollywood film na
The Bourne Legacy na pinagbidahan nina Jeremy Renner, Rachel Weisz at Edward Norton. Idagdag pa ang pagbisita sa bansa ng American heartrub na si Zac Efron para naman mag-endorse ng isang clothing brand. (
Basahin: Adobo, kinamay ni Zac Efron sa KMJS). --
Mac Macapendeg/FRJimenez, GMA News