Aktres na si Vangie Labalan, nabiktima umano credit card scam
Dismayado ang character actress na si Vangie Labalan sa paniningil sa kanya ng isang bangko ng tinatayang P200,000 na naipamili sa kanyang credit card na hindi naman umano siya ang gumamit. Sa ulat ng Startalk TX nitong Sabado, sinabi ng aktes na nagulat siya nang dumating ang billing ng kanyang card kung saan mayroon siyang dapat bayaran na nagkakahalaga ng mahigit P110,000 dahil sa pagbili ng gulong ng sasakyan. Pero paliwanag ng aktres, wala naman siyang binibiling gulong at hindi rin siya napapagawi sa lugar kung saan binili ang nasabing gulong. Dismayado rin si Vangie dahil sa kabila ng malaking halaga na sangkot sa paggamit sa kanyang card, hindi umano siya tinawagan para maverify kung siya talaga ang humahawak ng nasabing card nang sandaling iyon. Laking gulat pa raw ng aktres nang ipaalam sa kanya ng bangko na aabot sa kabuang mahigit P200,000 ang naikarga sa kanyang card ng taong gumamit nito sa pamimili. Ayon pa kay Vangie, patuloy ang pagtawag at pagpapadala sa kanya ng sulat ng bangko na may halo umanong pagbabanta para singilin. Ito ay sakabila na nag-fill-up na siya ng “dispute form" para igiit na hindi siya ang namili ng mga produktong ginamit ang kanyang card. - FRJimenez, GMA News