Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dahilan ng kanyang aksidente, idinetalye ni Alyssa Alano


Sa anniversary episode ng Startalk TX nitong Sabado, ikinuwento ng TV host-actress na si Alyssa Alano ang dahilan kung bakit niya nasuyod ang metal fence sa Marcos Highway sa Marikina na kamuntik nang maging dahilan ng kanyang kamatayan. Sa taped interview ni Butch Francisco kay Alyssa na nananatiling nagpapagaling sa Marikina Valley Medical Center, ipinaliwanag ng huli na napilitan siyang lumabas ng bahay at magmaneho para bumili ng gamot para sa kanyang pananakit ng tiyan. Sa biyahe, sinabi ni Alyssa na madilim sa highway kung saan siya naaksidente at maraming kasalubong na sasakyan gaya ng mga trak na malalakas at mataas ang head-light. Patuloy niya, nasilaw siya sa mga ilaw na dahilan kaya niya nakabig ang manibela papunta sa center island at mabangga ang metal fence na inilagay ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ilan pang sasakyan. Bagaman aminado si Alyssa na may kabilisan ang kanyang takbo, iginiit niya na hindi siya lasing nang maaksidente. Wala rin umanong katotohanan na gumagamit siya ng iligal na droga at handa siyang magpa-drug test anumang oras. Dagdag pa niya, nagkaroon ng aberya ang kanyang sasakyan at maging ang airbag ay hindi umano gumana. Gayunman, taliwas sa ilang ulat na hindi siya naka-seatbelt, sinabi ng TV host na nakasuot siya ng seatbelt na maaaring nagsalba rin ng kanyang buhay. Sakabila nito, nagtamo naman ng malubhang sugat si Alyssa nang bumaon sa kanyang tagiliran ang maruming tubo mula sa nasirang bakod na bakal ng MMDA. Inoobserbahan ang iba pang pinsala Sa hiwalay na live interview naman na ginawa nina Joey De Leon at Ricky Lo sa Startalk, sinabi ni Alyssa na patuloy siyang inoobserbahan ng mga duktor sa posibleng iba pang pinsala sa kanyang katawan lalo na sa ulo. “Kasi po marami pa po akong nararamdaman sa ulo, ‘pag gabi po sobrang sumasakit, kumikirot," kwento niya. Paminsan-minsan, napapaiyak at napapangiwi sa sakit si Alyssa bunga na rin ng mga pabirong tanong ni Joey na nais patawanin ang nakaratay na co-host. Pagkakaalam din ni Joey, hindi umiinom (ng alak) si Alyssa at ito ang bumubuhay sa kanyang pamilya. Dating miyembro ng grupong Hot Babes si Alyssa pero higit itong nakilala nang kumalat ang kanyang Youtube video habang kinakanta ang "Kiss Me." Tungkol sa kanyang pananagutan sa nangyari, sinabi ni Alyssa na handa niyang panagutan ang kanyang mga napinsala pati na ang bakod ng MMDA. “Actually hindi naman po sinasdya yun ‘no. Wala naman po sigurong gustong sagasaan… saka masaksakan ng sarili nilang bakal dun o anumang tawag dun," ayon kay Alyssa. Dagdag pa niya, sinagot niya ang gastusin sa pagpapaospital at maging sa follow-up check-up ng mga naaksidente niyang tao. Nakalabas na umano ang mga ito sa ospital at dinalaw din siya. Dahil sa insidente, sinabi ni Alyssa na hindi na siya muling magmamaneho dahil sa sobrang trauma na kanyang naranasan. Ayon pa sa TV host, ang pinsan niya talaga ang nagmamaneho para sa kanya pero kinailangan lang niyang lumabas ng bahay at mag-drive nang oras na iyon. Muli namang nagpasalamat si Alyssa sa Diyos at sa mga nagdasal para sa kanya at sa mga tumulong lalo na sa rescue team na pumutol sa tubo na tumusok sa kanyang katawan para madala siya sa ospital. - FRJimenez, GMA News