Sugat ni Alyssa Alano mula sa tumusok na tubo na ‘sing-taba ng lata ng sardinas, inoperahan
May mga piraso ng bakal na naiwan sa sugat ng actress at TV host na si Alyssa Alano na tinamo niya matapos matusok sa balakang ng tubo na kasing taba umano ng lata ng sandinas. Natusok ng tubo si Alyssa nitong Linggo nang araruhin ng minamaneho niyang sasakyan ang mga bakal na bakod ng MMDA sa Marikina. Bagaman stable na ang kondisyon ng TV host, sinabihan siya ng mga doktor na kailangang operahan ang tinamo niyang malaking sugat para maalis ang mga naiwang particles ng tubo. Sa exclusive interview ni Nelson Canlas kay Alyssa na ipinalabas sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Huwebes, inamin niya na nagkaroon siya ng trauma sa labis na sakit na naramdaman niya sa nangyaring aksidente. “Sobra, nakakatakot kasi baka mas masakit na naman dun sa na-experience ko... Talaga, nakaka-trauma," pahayag ni Alyssa bago ipasok sa operating room ng Marikina Valley Medical Center. Ayon kay Dr. Dennis Sta Ana, doktor ni Alyssa, may tissue, muscle at parte ng balat na nawala sa parte ng katawan ng aktres bunga ng tinamong sugat. Kailangan daw munang pagalingin ito bago tuluyan na isara. Tumagal ng may 40 minuto ang operasyon sa aktres at inaasahang tatagal ng isang buwan ang kanyang pagpapagaling. Nagpasalamat naman si Alyssa sa mga nagdasal para sa kanya at humihingi pa rin siya ng panalangin para sa kanyang mabilis na paggaling. “Sa nangyari po sa akin talagang kahit ako hindi makapaniwala… maraming maraming salamat po sa inyo. Konting dasal pa po," hiling niya. - FRJimenez, GMA News