Tulad ng kanyang hiniling, naging matahimik ang mga huling araw ng primyadong direktor na si Marilou Diaz-Abaya bago siya pumanaw nitong Oktubre 8 sa ganap na 7 ng gabi dahil sa sakit na breast cancer.
Marilou Diaz-Abaya with her friend and doctor, Dr. Joven Cuanang of St. Luke's. Abaya died Monday after a long battle with breast cancer. Photo by Wig Tysmans
Ito ay ayon mismo sa anak niyang si Marc Abaya sa panayam ni Jessica Soho sa “State of the Nation” nitong Martes ng gabi. Ayon kay Marc, natupad ang hiling ng kanyang ina na hindi maging "cinematic" ang kanyang pamamaalam dahil pawang mga pamilya at kaibigan lamang ang kanyang kapiling sa kanyang mga huling sandali. "So kami lang dun. Nakakarinig pa po siya, nakakaintindi, so we were able to say our goodbyes to tell her whatever we needed to say. Siya din po, she was able to say some things kahit na nahirapan na po siya so at the end of it po, I think she went well," kwento ni Marc, na isang aktor at musikero. Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa “Saksi” nitong Martes, kabilang sa mga dumalo sa lamay ang mga aktres na sina Lorna Tolentino, Boots Anson-Roa, ang direktor na si Laurice Guillen, ang koluminstang si Randy David, at ang mga nakatrabahong aktor ni Direk Marilou na sina Marvin Agustin at Cesar Montano. Ani David, na nakatrabaho ni Direk Marilou sa dating public affairs show na “Public Forum,” "Tinuring niya akong isang kuya pero ganunpaman isa akong masugid na estudyante niya. Hindi man lang isang malaking professional lost kundi isang malalim na personal na lost, kabawasan para sa amin."
Paalam, Direk Marilou Bago pa man pumanaw si Direk Marilou ay nauna na itong gumawa ng listahan ukol sa magiging kinalabasan ng kanyang pamamayapa. Ayon pa kay Marc, "'Yung joke po namin na hanggang sa huli, nagdi-direk pa rin siya hanggang sa music, kung sinong kakanta, kung sinong magmimisa, lahat po na plan po niya, so lahat po nasundan." "So 'yun very solemn lahat kami po nandoon lang pinapanood po namin siya, hinahawakan yong kamay niya, whispering in her ears po. It felt very solemn and good, very very good," saad ng aktor. Maliban dito, ginunita ni Jessica Soho ang naging pahayag ni Direk Marilou sa isa nitong panayam na gusto niyang mamayapa nang tahimik tulad ni Mama Mary. Gayundin, isa sa marahil sa mga dahilan kung bakit naging matatag ang primyadong direktor sa kabila ng kanyang karamdaman ay dahil sa pagkakaroon ng matibay na paniniwala at takot sa Diyos. "Hanggang sa huli po, she was very, very religious woman, at ‘yung pinagsasabi sa amin, 'you know what to do, you know how to strong and faithful in God,'" sabi ni Marc.
Direk Marilou, mapagmahal na ina Ayon kay Soho, isa raw sa mga natutunan ni Direk Marilou sa kanyang laban sa cancer ay "yung pagmamahal, to love and how you can never show enough of it. Sabi niya dahil kulang tayo sa oras." Wika naman ni Marc, hindi raw nagkulang ang kanyang ina sa pagpaparamdam ng kanyang pagmamahal sa kanila kaya ito marahil ang dahilan kung bakit tumagal siyang nanatiling mapayapa habang nabubuhay. Aniya, "Of course. Yes she did and I think the strongest way po is na tumagal siya for five years since 2007 po doon siya diniagnose with breast cancer and she's lasted for five years." "And it was more than enough time for us to make peace with her. Kahit yon, hindi nga madali yong pinagdaanan po niya, dinanas niya po yon para sa amin. Para sa pamilya niya, para sa mga taong mahalaga sa kanya sa buhay niya so that we could say our goodbyes and make peace and I appreciate that and I'm so grateful that mom did that for us," dagdag nito. Kaya naman raw masasabi ni Marc na nasa mabuting lugar na ngayon ang kanyang ina. "[She] survived so long that why yong when it came a time, for her to pass I really felt at peace. I felt alright, I felt happy kasi po hinid na siya mahihirapan and finally she can rest, she can be with her friends. [Sina] Ishmael Bernal [at] Rolando Tinio," aniya.
— KBK, GMA News