Filtered by: Showbiz
Showbiz

Jillian Ward, may bagong van na, may pinagagawang bahay pa


Sa mura niyang edad, marami nang nai-pundar ang Kapuso child wonder na si Jillian Ward mula sa kanyang trabaho bilang artista. Ilan na rito ang pinapatayo nitong bahay at ang bagong kikay na van.
 
Kakaiba ang disenyo sa loob ng van ni Jillian dahil Hello Kitty ang tema nito. Pagpasok sa van ay makikita ang kulay pink na pader at mga pink na upuan. Mayroon din siyang built-in na kama, mga Hello Kitty dolls, at ilang pang mga palamuti na batay sa nasabing tema.
 
Ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Lunes, ang  bagong van ni Jillian ay regalo ng kanyang inang si Jenny Ward. Ito raw ay dahil sa pagta-trabaho ng kanyang anak sa showbiz.
 
 
Wika pa ni Jenny, "Kunwari may gusto siya at nakikita ko naman na pinagbubutihan naman niya yong ginagawa niya kunwari sa school ganon, binibigyan ko siya ng pa-consuelo."
 
Sa nasabing pa ring balita, ipinasilip din ni Jillian ang kanyang bagong pinapatayong 2-story house sa isang subdivision sa Tandang Sora, Quezon City.
 
Kwento pa ni Jenny, dito raw niya ibinuhos ang mga kita ni Jillian bilang artista at natutuwa raw siya na habang bata pa ang kanyang anak ay may sarili na itong mga ari-arihan na nai-pundar.
 
Maliban dito, tinuturo rin ni Jenny sa kanyang anak ang kahalagahan ng salaping pinaghirapan. 
 
"I put the money in the bank tapos she has her own account na hindi ko ginagalaw," saad ni Jenny.
 
Samantala, pahinga muna si Jillian ngayon sa paggawa ng soap opera dahil katatapos lamang ng kanyang pagganap bilang si Luna sa multigenerational teleserye ng GMA na "Luna Blanca."
 
Kaya naman habang wala raw siyang taping ay eskwela, boys, at piano lessons ang kanyang pinagkakaabalahan. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News
Tags: jillianward