Filtered By: Showbiz
Showbiz

Remake ng 'Coffee Prince' hamon para kina Kris Bernal, Aljur Abrenica


Panibagong hamon para sa nagbabalik-tambalang sina Kris Bernal at Aljur Abrenica ang kanilang papel sa Filipino adaptation ng Koreanovelang "Coffee Prince."

Kaya naman talagang focus daw ang magkatambal sa kani-kanilang karakter na gagampanan sa nasabing palabas.

Ayon kay Kris sa ulat ni Cata Tibayan sa Chika Minute ng “24 Oras” nitong Miyerkules: "Ang pinaka-talagang nag-focus ako [ay] sa pagiging lalaki. ‘Yun talaga 'yung pinakamahirap."

"Alam mo ‘yung may konting kembot, konting may mali lang sa balikat mo, kita na agad na babae. Kaya mahirap. Napaka-kritikal talaga nung mga movement," dagdag pa ng aktres.



Para naman kay Aljur, ang kanyang karakter sa “Coffee Prince” ang pinakamahirap na papel na ibinigay sa kanya ng Kapuso Network.

Aniya, "Masasabi ko na ito 'yung pinakamahirap na role na ibinigay sa akin ng GMA dahil kukwestiyunin ko ‘yung pagkatao ko dito eh, ‘yung pagkalalaki ko dito sa bandang huli."

Maliban kina Kris at Aljur, makakasama rin sa kilig love story ang Kapuso stars na sina Benjamin Alves at Max Collins.

Hindi naman maiwasang ikumpara sina Aljur at Benjamin dahil pareho silang matipuno at gwapo, bagama't iginiit ng dalawang Kapuso hunks na walang tensiyon sa pagitan nilang dalawa.

"Kami ni Benj [Benjamin], siyempre hindi maiiwasan talaga nagmagkaroon ng competition diyan eh. Wala namang tension sa amin ni Benj," diin ni Aljur. – Mac Macapendeg/KBK, GMA News