Mga kababayan ni Jessica Sanchez, umaasang makakabisita sa Bataan ang AI runner-up
Sabik na ang mga kababayan sa Samal, Bataan ng American Idol runner-up na si Jessica Sanchez sa kanyang gagawing pagbisita sa Pilipinas. Magtatanghal ang may dugong Pinay na mang-aawit kasama ang ilan pang AI finalists ngayong Setyembre 21 para sa kanilang World Idol Tour na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum. Ayon sa ulat ni Luane Dy sa Balitanghali nitong Martes, umaasa raw ang mga taga-Samal na makakadalaw sa kanilang lugar ang dalaga. Nakikipag-usap na ang lokal na pamahalaan ng Samal sa mga kamag-anak ni Jessica para sa posibleng homecoming. Ayon sa Lolo ni Jessica, gusto raw ng kanyang apo na makarating sa kanilang bayan. Ngunit matuloy man ito o hindi, isang plaque of appreciation ang igagawad nila sa dalaga. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News