Celebrities, patuloy ang pagtulong sa mga sinalanta ng baha
Bukod sa gobyerno, abala rin ang maraming celebrities sa pagtulong sa mga kababayang naging biktima ng matinding pagbaha na idinulot ng walang tigil na pag-ulan. Ang Kapuso star na si Gwen Zamora, sa halip na magdaos ng party para sa kanyang kaarawan, pinili na lamang na magpakain ng mga evacuees sa Taguig City. Sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing may tatlong araw nang hindi nakakakain ang marami sa may 200 evacuees sa Taguig na nagmula pa sa Montalban, Rizal. Ang tween star naman na si Bea Binene, nag-volunteer sa GMA Kapuso foundation sa pagbibigay ng tulong sa may 3,000 evacuees sa Santolan Elementary School sa Pasig. Hinikayat din ni Bea ang kanyang mga follower sa Twitter na tumulong din sa mga sinalanta ng kalamidad o kaya’y ipagdasal ang mga naging biktima. Sinimulan naman ng beauty expert na si Ricky Reyes ang kanyang soap kitchen o pagpapakain ng mainit na sopas sa mga tao na nanunuluyan ngayon sa iba’t ibang evacuation center. Sinabi ni Mother Ricky na ginawa rin niya ito nang manalasa ang bagyong Ondoy noong 2009. Tumulong sa kanyang soap kitchen ang mga kalahok sa Protégée: The Battle for the Big Artista Break. Noong nakaraang araw, sumama ang Kapuso primetime queen na si Marian Rivera sa Philippine Red Cross sa pagkakaloob ng relief goods sa mga biktima ng kalamidad. Ilan pa sa mga celebrity na naiulat na nagkaloob ng tulong sa mga sinalanta ng pagbaha ay sina Raymond Gutierrez, Solenn Heusaff, Isabelle Daza, Gloria Diaz, Michelle Madrigal, KC Montero, Rhian Ramos, Boy 2 Quizon at Bubbles Paraiso. Gayundin sina Jim Paredes ng APO Hiking Society, Iza Calzado, Angel Locsin, Rufa Mae Quinto, JC de Vera, Karel Marquez, socialite na si Divine Lee, at marami pang iba. - FRJimenez, GMA News