Filtered By: Showbiz
Showbiz
Hirap bago ginhawa: Ang iba’t ibang mukha ni Marian Rivera
Sa harap ng camera, tila nakuha na ng aktres na si Marian Rivera ang lahat ng biyaya. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi naging madali ang buhay niya. Ang mga ito, ikinuwento ni Marian kay Rhea Santos sa isang ekslusibong panayam para sa programang “Tunay na Buhay” sa GMA Network. Sa Espanya ipinanganak ang batang si Marian Gracia Rivera, pero matapos magkahiwalay ang ina niyang ground stewardess at ang ama niyang Español noong siya’y dalawang taong gulang pa lamang, pinauwi siya sa Pilipinas at pinalaki ng kanyang lola.
Ibinahagi ni Lola Fransisca ang mga naranasang hirap ni Marian habang lumalaki. Noong nasa kolehiyo daw si Marian, gumigising ito nang maaga upang maglinis ng bahay, at dumating din ang araw na nagpasya siyang mamuhay nang mag-isa at hindi umasa sa magulang. Ayon sa manager niyang si Popoy Caritativo, sa pasyang ito makikita ang tatag ng loob ni Marian. “She chose to be independent,” sabi ni Caritativo. “She really started from scratch.”
Marian Rivera, nakapanayam ni Rhea Santos para sa programang "Tunay na Buhay."
Maliban sa pag-aaral sa De La Salle University-Dasmariñas, pinagkaabalahan din ni Marian ang pagsabak sa modeling. Ito ang naging daan upang lumabas siya sa telebisyon. Nagsimula siya sa mga TV commercial bago gumanap sa mga daytime drama at afternoon soap na "Kung Mamahalin Mo Lang Ako" at "Agawin Mo Man Ang Lahat" kasama si Oyo Boy Sotto. Nakuha ni Marian ang hinihintay niyang starring role noong 2007, sa GMA remake ng Mexican telenovela na Marimar. Hanggang ngayon, inaamin ni Marian na noong una’y hindi siya makapaniwalang siya ang napiling gumanap na Marimar. “Parang, ako? Bakit ako?” sabi niya. Siguro nga’y marami rin ang nagtaka noong una kung paano napili si Marian sa papel na iyon lalu pa’t maraming mas kilalang artista ang nag-audition din para gumanap bilang Marimar. Ngunit nawala ang lahat ng pag-aalinlangan sabay ng paglabas ng Marimar auditon reel, kung saan hindi maikakaila ang husay ni Marian sa pagsasayaw.
Marian sa kanyang graduation photo.
Ika nga ng showbiz columnist na si Ricky Lo, huling-huli ni Marian ang pagkatao ni Marimar, na tila inosente ngunit nang-aakit. “Sexy at very romantic ‘yung dating niya. Maski ngumiti o humagikhik lang, very sexual yung dating ng beauty niya,” ani Ricky. Sa Marimar unang nakatrabaho ni Marian ang aktor at boyfriend sa tunay na buhay na si Dingdong Dantes, na naging katambal din niya sa marami pang telenovela at pelikula gaya ng "Dyesebel" (2008), "Endless Love" (2010) at "My Beloved" (2012). Sa kabila ng sunod-sunod na project, nakita pa rin kay Marian ang pagiging masinop, isang katangiang natutunan niya mula sa nanay niya. “Sa bawat kita ko, sa bawat soap, may goal ako,” sabi ni Marian. “Nakalista lahat ‘yan sa notebook.” Noong 2009, nabigyan si Marian ng pagkakataong gumanap bilang Darna, ang Pinoy superheroine na nilikha nina Mars Ravelo at Nestor Redondo para sa Pinoy Komiks #77 noong 1950. Dito nagsimulang gumanap si Marian sa mga mas pisikal na karakter sa telebisyon. Pero ang pagmamahal kay Marian ng kanyang mga fans, tila tinatapatan ng pagbatikos mula sa kanyang mga kritiko. Si Marian, sobrang nasaktan daw noong kumalat ang tsismis na may anak na siya. “Pamangkin ko ‘yung [kasama ko sa mga litrato],” paliwanag niya. Dahil dito, hiniling ni Marian sa kanyang ina na tumira na sa Pilipinas para suportahan siya sa pag-aartista. Bukod sa pagganap ni Marian sa iba’t ibang karakter, inaapi man siya rito o palaban, ang pagharap niya sa sari-saring kontrobersiya ay nagsilbing paghahanda para sa pag-arte niya sa "Amaya" (2011), ang kauna-unahang epicserye ng GMA kung saan itinampok ang pre-Hispanic na kultura ng Pilipinas. Humakot ng papuri ang "Amaya" hindi lamang mula sa manonood kundi maging mula sa mga kritiko at sa National Historical Commission of the Philippines; mula sa makatotohanang kasuotan at mabusising alahas, hanggang sa paggamit ng malalim na wikang Filipino at paglarawan ng paniniwala ng panahong iyon, hindi makakaila ang halaga ng "Amaya" sa pagsulong ng kultural Pilipino. Nagsilbi ang tagumpay ni Marian na daan upang mapagaan niya ang buhay ng mga minamahal niya. Binigay ni Marian ang una niya kotse, isang pink na Honda Jazz, sa kanyang Lola Fransisca. Bumuti na rin ang lagay ng relasyon ni Marian sa nanay niya, at malapit siya sa kanyang ama kahit pa nakatira ito sa Espanya. Boto naman daw ang ama niya sa kahit sinong lalaking mamahalin niya. “Kahit pa basurero o magbobote... basta masaya [ako],” wika ni Marian. Sa kabila ng mga kontrobersiyang ibinabato kay Marian, tila ‘di naman nito naaapektuhan ang pagmamahal sa kanya ng mga fans. “Si Marian, misunderstood ng marami, pero ‘pag nakilala mo siya, she’s very lovable,” sabi ni Ricky Lo. Ito rin ang sinasabi ng mga kaibigan ni Marian sa industriya, ngunit wala na sigurong mas mabuting patunay sa tibay ni karakter ni Marian Rivera kaysa sa sarili niyang mga salita. “Ang buhay parang gulong. Dahil sa pag-ikot nito, marami kang madadaanan na pagsubok...kung madadapa ka, dapat tumayo ka,” ani Marian. “Kailangang sabihin mo sa sarili mo, ‘walang makakapigil sa akin basta gusto ko.’”—Cristina Tantengco/PF, GMA News Panoorin ang programang "Tunay na Buhay" tuwing Sabado ng gabi, 11:15 PM sa GMA-7. I-follow ang kanilang Twitter at Facebook account.
More Videos
Most Popular