Eat Bulaga!-Indonesia, maipagmamalaki ng mga Pinoy – Sen. Sotto
Itinuturing malaking karangalan ng mga opisyal at host ng longest running noontime show sa Pilipinas na Eat Bulaga ang pagkakaroon nito ng franchise sa Indonesia. Nitong Lunes, personal na sinaksihan ng mga boss ng TAPE Incorporated, producer ng Eat Bulaga, ang makasaysayang pilot airing ng EB-Indonesia sa SCTV channel sa bananggit na bansa. Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel para sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Huwebes, sinabing mismong ang program director ng SCTV, isang malaking TV network sa Indonesia, ang mismong lumapit sa Eat Bulaga-Pilipinas para mai-franchise ang programa. Ayon kay Malou Choa-Fagar, SVP and COO, ng TAPE Inc., naging maganda ang rating ng pilot airing ng EB-Indonesia. Kumpiyansa si Malou na lalakas pa ang hatak ng programa sa pagdaan ng mga araw. Maliban sa pawang Indonesian ang host ng EB-Indonesia, halos walang pinagkaiba ang show nito sa EB-Pilipinas. Nandoon din ang segment na "Pinoy Henyo" at "Juan for All, All for Juan." Itinuturing naman na malaking biyaya ni Antonio Tuviera, President and CEO., ng TAPE Inc., ang panibagong tagumpay ng show at tiniyak niyang ibabalik nila ang biyayang ito sa mga tapat na tumatangkilik sa Eat Bulaga na umabot na sa mahigit tatlong dekada na ere. Ayon kay Sen. Tito Sotto, isa sa mga pangunahing host ng Eat Bulaga, ang tagumpay ng show ay tagumpay ng buong bansa âItoây dapat ipagmalaki ng buong bansa sapagkat yung nilaman ng tatlong dekada at yung ibaât ibang klaseng pamamaraan ng entertainment ng Eat Bulaga ay nagustuhan ng ibang bansa, at ngayon ay inadopt nila," anang senador. Sa isang sulat, ipinaabot naman si GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, ang pagbati sa mga opisyal at mga nasa likod ng Eat Bulaga dahil sa karangalan na ibinigay nila, hindi lang sa buong Philippine entrainment industry, kung hindi sa buong bansa. Sa Sabado, ibabahagi ng Eat Bulaga ang mga kwento sa likod kung papaano naisakatuparan ang pagkakaroon ng Eat Bulaga-Indonesia. -- FRJimenez, GMA News