Phillip Salvador, sasabak na rin sa pulitika
Tulad ng kanyang mga kaibigang sina Sens. Bong Revilla at Jinggoy Estrada, sasabak na rin sa pulitika ang batikang aktor na si Phillip Salvador. Buo na umano ang pasya ni Ipe (palayaw ni Phillip) na tumakbong bise gobernador sa lalawigan ng Bulacan sa 2013 elections. Posibleng makalaban niya ang kapwa aktor at kaibigan na si incumbent vice governor Daniel Fernando, ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes. Sinabi ni Ipe na ipinagdasal niya ang kanyang desisyon na kumandidato. Marami rin umano siyang kinunsulta, kabilang ang kanyang mga kaibigan na sina Bong at Jinggoy. Isinaalang-alang din umano niya ang magiging sitwasyon na ang posible niyang makalaban ay si Daniel, na unang nakilala sa bold film na Scorpio Nights. “Walang personal… Daniel is a good man. Pareho lang kami siguro na gustong makapaglingkod sa Bulacan, sa taongbayan. Alam ko rin ang puso niya, I’m sure naiintindihan niya ‘ko," ayon kay Phillip. Samantala, iginagalang umano ni Daniel ang desisyon ni Phillip sakaling tumuloy ito sa planong pasukin ang pulitika sa 2013 elections. Pero aminado si Daniel na magiging masakit sa kanya sakaling sila ang magkakalaban sa halalan. “Mahal ko si Kuya Ipe, Kuya Ipe I love you," bungad ng bise gobernador. “Kung anuman ang desisyon niya iginagalang ko. Basta sa akin lang kung kami ang maglalaban, ngayon pa lang nasasaktan na ako. Kung dumating man yun mas lalo akong masasaktan sapagkat kaibigan ko si Kuya Ipe," dagdag niya. Taga-Pandi, Bulacan si Ipe at kung wala umano itong trabaho ay nag-iikot sa lalawigan para kamustahin ang mga tao. - FRJimenez, GMA News