Filtered By: Showbiz
Showbiz

Shooting ng The Bourne Legacy sa ‘Pinas, malaking tulong din sa local movie industry


Labis na natutuwa ang Pinoy artist na si John Arcilla na napili ng produksiyon ng The Bourne Legacy na gawin sa Pilipinas ang shooting ng malaki at sikat na Hollywood film franchise. Kabilang si John sa mga Pinoy artist na masuwerteng nakapasa sa audition at makakasama sa pelikula na pinagbibidahan ng mga Hollywood star na sina Jeremy Renner, Rachel Weisz, Edward Norton at Joan Allen. Nasa ikaapat na araw na ngayon ang shooting ng The Bourne Legacy sa San Andres, Manila. Inaasahan na magiging magdamagan ang shooting kung saan kasamang kukunan ang eksena nina Jeremy at Rachel. Ang YouScooper na si Abigael Bigael, ibinida ang nakunan niyang video ni Jeremy nang malapitan sa Malate nang dumaan ito sa kanyang tapat. Nagbalik ng pagbati ang aktor nang mag-'hi' siya rito. Inamin naman ng Pinoy actor na si John Arcilla sa panayam ni showbiz reporter Cata Tibayan, na kinabahan pa rin siya nang mag-audition para makasama sa cast ng The Bourne Legacy. “May tension pa rin, may kaba pa rin, may possibility na ma-intimidate ako, pero winiwelcome ko ‘yon," paliwanag niya sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Sabado. Sinabi ni John na malaking tulong sa local movie industry ang shooting sa Pilipinas ng The Bourne Legacy dahil nabigyan nito ng trabaho ang mga local artist at pati na ang mga staff at crew. “Dito nakakatuwa ang dami nitong mabibigyan ng trabaho, hindi lang mga artist… like mga crew natin saka mga staff sa movie industry natin, na sobrang magagaling, masisipag at mabibilis magtrabaho," pahayag ng aktor. Sa hiwalay na panayam ng GMA News Kapuso Mo Jessica Soho nitong Sabado, sinabi ni John na bilib at nagugulat ang dayuhang produksiyon sa bilis ng mga Pinoy sa paghahanda at pagtatrabaho sa shooting. Bukod kay John, ilan pa sa mga local artist na kasama sa pelikula ay sina Madeleine Nicolas, Lou Veloso, Lilia Cuntapay at Ermie Concepcion. Nagkaroon din ng trabaho ang ilang stuntmen na gagawing extra at body double ng mga artista para sa Hollywood film. Humina ang kita ng mga local stuntmen dahil madalang na rin ang paggawa sa Pilipinas ng mga action movie. Sa ulat ni Cata Tibayan, sinabi nito na maaari pa raw madagdagan ang mga Pinoy artist na magkakaroon ng special participation sa pelikula. Ang hinahanap naman daw ng team ng Bourne ay ang galing ng batang Pinoy Samantala, sinabi ni Joey Romero, production set manager ng Phil Film Studios, na nag-e-enjoy ang mga dayuhang aktor at production members sa ginagawang pagtanggap at pag-asikaso sa kanila ng mga Pinoy dito sa Pilipinas. - FRJimenez, GMA News